Kung dati eh hanggang taenga siguro ang ngiti ng mga negosyante at nagtatrabaho sa Boracay kapag papalapit na ang summer season dahil sa pagdagsa ng mga turista, marahil ngayon ay hindi nila magawang ngumiti dahil sa pag-aalala kaugnay ng plano ng pamahalaan ng isara ang isla.
Kamakailan, nagbigay na ng rekomendasyon ang mga ahensiyang naatasang pangasiwaan ang rehabilitasyon ng Boracay tulad ng Departments of Tourism, Environment and Natural Resources, at Interior and Local Government, na isara ang isla na maaaring tumagal ng hanggang isang taon.
Taliwas ito sa mungkahi ng ilang mambabatas na sa halip na buong isla, ang mga hotel at mga establisimyento lang na hindi sumunod sa mga itinatakda ng batas at pamantayan ng kalinisan at walang maaayos na drainage system ang dapat na isara.
Kung tutuusin, may punto rin naman mga tsong ang mga nagmumungkahi ng “selective” closure. Bakit nga naman isasama sa mga parurusahan ang mga hotel at establisimyento na sumunod naman sa itinakda ng batas. Bukod doon, papaano nga naman ang kabuhayan ng mga manggagawa doon.
Sinasabing aabot sa 17,000 manggagawa ang maaapektuhan at mawawalan ng kanilang kita kapag isinara ang buong isla. Hindi natin alam kung kasama sa bilang na iyan ang mga maliit na negosyante tulad ng mga nagbebenta ng kung anu-anu, mga tsuper na nagsasakay ng mga turista at mga nagpaparenta ng mga bangka.
Kahit pa sinasabi ng Department of Labor na handa silang umayuda sa mga manggagawang mawawalan ng kabuhayan, aba’y tiyak na hindi sila basta-basta maniniwala sa ganitong pangako. Kahit nga kunin siguro silang trabahador sa gagawing rehabilitasyon sa isla eh baka hindi kayanin ang pasahod sa ganito karaming manggagawa.
Hindi naman maiwasan ng ating kurimaw na magtaka kung bakit habang pinag-aaralan ng pamahalaan na isara ang Boracay para daw ayusin, aba’y may bagong kompanya naman na binigyan ng kontrata para magtayo doon ng resort-casino. Siksikan na nga naman sa Bora dahil sa dami ng hotel at establisimyento doon, aba’y heto at may bago na namang itatayo at baka magputol naman ng mga puno.
Baka nga pagdudahan pa ng iba kapag nataon na magkasabay ang simula ng kontruksyon ng bagong hotel-casino at pagsasara ng isla. Siguro eh may mag-iisip na baka kaya ipasasara ang buong isla ay may nais itago sa gagawing bagong hotel-casino.
Hindi rin biro ang kita na mawawala sa pamahalaan kapag isinara ang buong Boracay dahil sa dami ng mga turista na nagpupunta rito. Noong 2017, sinasabing umabot sa 2 milyon ang turista ang nagpunta sa naturang island paradise. At ang kinita raw ng isla sa nabanggit na taon, pumalo sa P56 bilyon.
At dahil sa gumagandang relasyon ng Pilipinas at Chinese, aba’y nahigitan ng mga Tsino ang mga Korean sa dami ng mga dayuhang turista na nagpunta sa Boracay noong 2017. Huwag lang sana nilang angkinin kinalaunan ang Boracay at baka sabihin nilang bahagi ng China ang isla. Marami ring Taiwanese, Amerikano, Malaysian, mga Briton, taga-Saudi Arabia, Australian, Russian, at Singaporean, ang tumapak sa pinong buhangin ng isla noong nakaraang taon.
Sana nga lang ay makahanap ng win-win solution ang mga kinauukulan na maituloy ang rehabilitasyon ng isla pero hindi lubos naman lubos na maapektuhan ang mga kawawang manggagawa, at mapayagan pa rin ang mga tao na makita ang Boracay na maituturing yaman ng bansa.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
Follow me on Twitter: