Bukod sa Fire Prevention Month at Women’s Month, alam ba ninyo na Marso rin ang napiling buwan para idaos ang Rabies Awareness Month.
Kung bakit Marso ang napiling buwan na gawin ang kampanya para ipalaganap ang kaalaman tungkol sa rabies, aba’y hindi natin alam. Pero ang alam natin, mas mainitin ang ulo ng mga hayop, tulad ng aso kapag mainit ang panahon. Hindi ba nagsisimula ang panahon natin ng tag-init sa Marso.
Marso noong 1999 nang lagdaan ni dating Pangulong Erap Estrada ang Executive Order No. 84 na nagdedeklara na ang Marso ang Rabies Awareness Month. Kasama sa layunin sa ipinalabas na kautusan na magbigay ng malawakang impormasyon sa publiko tungkol sa peligro ng rabies at ang puksain ito.
Nang panahon na ipatupad ang kautusan, sinasabing nasa 560,000 bite cases ang naitatala bawat taon. At sa naturang bilang mga tsong, biruin mong nasa 300 hanggang 400 Pinoy ang namamatay sa rabies.
Ang aso ang pangunahing hayop na pinagmumulan ng rabies na dahil sila ang maraming nakakalat at madalas alagaan ng tao. Hindi gaya ng pusa na maaari ring magkaroon ng rabies, pero mas madalas naman silang mangalmot, hindi gaya ng aso na kagat ang depensa. Sa Quezon City nga kamakailan, aba’y hindi pinatawad ng aso ang isang batang iihi lang na sinakmal niya sa ilong.
Pero hindi naman nangangahulugan na kailangang ubusin ang mga aso para mapuksa ang rabies. Ang rabies kasi ay virus na nasa laway ng hayop na maipapasok sa katawan ng tao kapag nasugatan nila sa pamamagitan ng kagat. At hindi naman lahat ng aso, sa lahat ng pagkakataon ay may rabies. Kaya hindi rin lahat ng nakagat ng aso ay nagkaka-rabies.
Ngunit para makasiguro, ang dapat gawin ay pabakunahan ang mga aso ng pangontra sa rabies. At kapag nakagat naman ng aso, aba’y huwag umasa sa pagpapahid ng bawang dahil wala raw itong epek. Kung mayroon man tao na nakagat ng aso at nakaligtas sa rabies dahil nagpahid siya ng bawang sa sugat, malamang sa malamang, walang rabies ang aso kaya hindi siya nadedo. Hindi iyon dahil sa bawang, kahit samahan pa niya ng sibuyas at kamatis.
Hindi biro kapag minalas na makagat ng aso na may rabies. Aba’y bukod sa masakit, mababaliw ka muna bago ka matepok dahil umaakyat sa utak ang virus ng rabies. Pero dahil may ibang insidente na ilang araw ang binibilang bago umipekto ang rabies sa katawan ng tao, ipinapayo na huwag kaagad patayin ang aso na nakakagat para maobserbahan. Karaniwan kasing tumatamlay ang asong nakakagat na mayroong rabies at namamatay din.
Kung papatayin kaagad ang aso kapag nakakagat, hindi na masusubaybayan ang kaniyang kalusugan. At kung hindi pa nagpabakuna ng anti-rabies ang taong nakagat at umaasa lang sa pagpahid ng bawang, aba’y delikado ang sitwasyon ng nakakagat at mag-aala tsamba na lang.
Sa totoo lang, maiiwasan naman daw ang pagkamatay sa rabies dahil may gamot para dito. Kailangan lang mabakunahan ang mga hayop at magpabakuna naman ang mga nakagat. Puwedeng alamin kung may Animal Bite Treatment Centers (ABTCs) sa inyong lugar. Alam ni Marlo Dalisay ang ganitong problema lalo pat mahilig mamigay ng aso sa guwardiya.
Sa datos ng Department of Health noong 2015, ang NCR ang may pinakamaraming rabies exposures, sinundan ng Region 4A, Region 7, Region 3, at Region 6. Samantala, nasa 38 lugar naman ang idineklara nang rabies-free. Target ng DOH-National Rabies Prevention and Control Program (DOH-NRPCP) at Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) na maging rabies-free ang bansa sa 2020. Aba’y tingnan natin kung mangyayari.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)