Nakatakdang dumating ngayong araw si Senadora Loren Legarda upang daluhan ang iba’t ibang aktibidad sa lalawigan.
Una rito ay ang inagurasyon ng Solar- Battery Micro-Grid na ayon sa tanggapan ng senadora ay pinakamalaki sa buong Southeast Asia. Itinayo ito ng Solar Philippines sa bayan ng Paluan.
Ang naturang off-grid solar battery farm ay kayang magbigay ng serbisyo 24 oras at hindi aasa sa anumang fossil fuels, batay ito sa mga nauna nang pahayag ng Solar Philippines. Paliwanag naman ng tanggapan ni Legarda, solusyon ang naturang proyekto sa problema ng bansa sa enerhiya. Bukod pa rito, higit na mas mababa ang babayaran ng mga mamimili.
Sa ika-12 ng Marso ay magsisilbing panauhing pandangal at tagapagsalita ang senadora sa pagdiriwang ng lalawigan ng Women’s Month gayundin ng opisyal na pagbubukas ng Mimaropa Regional Athletic Association Meet (MRAA). Ang naunang nabanggit na aktibidad ay gaganapin sa San Jose Municipal Gymnasium, samantalang ang pagbubukas ng MRAA ay sa bagong gawang Occidental Mindoro Sports Complex na matatagpuan sa Pedro T Mendiola Sr Memorial National High School, San Jose. (VND/PIA MIMAROPA/OccMin)