Hinikayat ni Ms. Aira Joy Dalisay, Miss Odiongan Kalipi 2018, ang mga kababaihan na tumayo laban sa mga taong nang-aabuso sa kanila.
“Dapat ay huwag nila masyado ibaba ang sarili nila, woman can change the world,” pahayag ni Ms. Dalisay sa isang exclusive interview ng Romblon News Network.
Si Ms. Dalisay, 26, ay kinurunahan ngayong araw sa pagdiriwang ng mga miyembro ng Kalipunan ng Liping Pilipina (Kalipi) sa 2018 National Women’s Month sa Odiongan Public Plaza na may temang “We Make Change Work for Women”. Si Ms. Dalisay ay residente ng Barangay Malilico at ina ng tatlong matatalinong mga bata.
“Kasi ang babae, importante kami, kasi kami diba yung ilang ng tahanan. Proud ako kasi now a days, ang babae ay hindi nalang iniiwan o nilalagay sa bahay kundi isa na rin kami sa mga gumagabay at tumutulong sa ating lipunan. Para sa akin, napakahalaga ng ginagampanan namin sa lipunan hindi lang sa tahanan,” pahayag ni Ms. Dalisay.
Ginawa rin nitong halimbawa ang mga kababaihang leader ng Odiongan katulad ni Mayor Trina Firmalo-Fabic at ang punong Barangay ng Malilico.
Sinabi rin ni Ms. Aira Joy Dalisay na mahalaga umanong ipinagdiriwang ang National Women’s Month kada taon dahil makakatulong ito para ma-lift ang mga moralidad ng mga kababaihang naabuso.
“Kasi nag sisilbi itong [National Women’s Month Celebration] paalala sa ating mga kababaihan, para ma-lift up sila,” pahayag ni Ms. Dalisay.
“Marami kasing nakakaranas ng discrimination, mga sinasaktan; dapat alam na nila na pantay na ang babae at lalaki, kasi kaya na rin naman gawin ang trabaho ng mga lalaki,” dagdag ni Ms. Dalisay.
Hamon ni Ms. Dalisay sa mga kababaihan na sana magsilbing gabay ang mga ganitong selebrasyon sa mas maayos na pamumuhay sa kani-kanilang lugar.