Binasbasan nitong umaga ng Huwebes, March 08, ang kauna-unahang bakeshop sa Romblon na matatagpuan sa loob ng compound ng Bureau of Jail Management and Penology – Odiongan District Jail sa Barangay Progreso Este, Odiongan, Romblon.
Dinaluhan ang seremonya nina J/SSupt Revelina Sindol, Regional Director ng BJMPRO-IV B; Mayor Trina Alejandra Firmalo-Fabic ng Odiongan, J/SInsp Irene Gaspar ng Jail Warden ng Odiongan District Jail at ng ilan pang personnel ng BJMPRO-IV B.
May dalawang residente ng Jail na magaling ring mag bake ang nilagay ni Jail Warden Gaspar para gumawa ng tinapay para may maibenta at dagdag kita rin para sa dalawa.
Ang nasabing proyekto ay pinunduhan ng BJMP MIMAROPA ng P50,030 mula sa ginawa nilang Virtual Run noong nakaraang taon.
Ayon kay Jail Warden Gaspar, sa ngayon umano ay pandesal muna ang kanilang ibebenta at ang target market nila ay ang mga residente ng jail at mga residente ng mga kalapit na barangay. Balak umano nila maghanap ng taga-ikot ng pandesal na nasa labas ng kulungan.
Balak rin umano nilang magpa-train sa ibang residente ng jail kung paano mag bake para paglabas nila ng Odiongan District Jail ay meron silang pwedeng pasukan na trabaho.