Pinaghuhuli ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Senior Inspector Kenneth Gutierez ang mga rider na lumalabag sa Municipal Ordinance 2015-10 ng Odiongan, Romblon o ang ordinansang nagbabawal sa mga motorsikong may ‘open muffler’ na bumiyahe sa bayan.
Ayon sa Odiongan Municipal Police Station, aabot sa 7 katao ang naaresto nila nitong weekend sa ginawa nilang Oplan Sita at pagpapatupad ng nasabing ordinansa.
Ang mga mahuhuling lumabag ay pagbabayarin ng P500 sa first offense, P800 sa second offense, at P1,000 sa third offense. I-impound rin ang kanilang mga motorsiklo at dapat palitan na ang mga muffler sa loob ng tatlong araw. Sa fourth offense naman ay pagmumultahin na ang mga lalabag base sa National Law na P5,000.
Taong 2016 pa ng ipagbawal ng Munisipyo ng Odiongan ang pagbiyahe ng mga motorsiklong maiingay sa kalsadang sakop ng bayan.