Kabuuang 2,426 aplikante ang dumagsa sa “National TVET Enrollment day and jobs bridging” o job fair na inorganisa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) – Romblon na ginanap kamakailan sa iba’t ibang munisipyo ng lalawigan.
Dalawang magkakasunod na araw itong isinakatuparan ng TESDA Romblon katuwang Department of Labor and Employment (DOLE) at Provincial Public Employment Service Office (PESO) sa mga bayan ng Calatrava, Odiongan, Ferrol, San Agustin, San Jose, Santa Fe, Cajidiocan, Magdiwang, San Fernando at Alcantara.
Sa 10 munisipyo na kanilang tinungo ay nagsilbing panauhing pandangal at tagapagsalita ang bawat alkaldeng namumuno dito upang nagbibigay inspirasyon sa mga nag-eenrol o aplikanteng nais makapagtrabaho.
Ang mga kinatawan naman ng TESDA ang nagpapaliwanag kung ano ang iba’t ibang skills training program na libreng ipinagkakaloob ng ahensiya gayundin ang libreng food allowance at transportation na ibibigay ang TESDA sa mga kabataang mag-aaral.
Ayon kay TESDA Provincial Officer Rhose Amazona, ang national TVET enrollment and jobs bridging ay sabay-sabay na ginawa sa buong bansa na layuning matulungang maihanap ng trabaho ang mga tech-voc graduates sa lalawigan.
“Dapat nating pasamalamatan si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapatupad ng mga programang ito, dito pa lang sa Pilipinas ay mabibigyan na ng mga libreng kasanayan at trabaho ang ating mga kabataan upang hindi na rin magpunta sa ibang bansa para magtrabaho,” sabi pa ng kalihim.
Batay sa datos na ibinigay ng TESDA, umabot sa 1,507 ang nakapagpatala sa National TVET enrollment at 84 aplikante naman ang agad na natanggap sa trabaho sa mga kumpanyang nakabase sa Metro Manila, Cavite at Batangas na kinabibilangan ng EEI Corporation, Actigen Corporation, Global Mode Manpower Agency at Sunwest Care Foundation.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)