Nasakote ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Provincial Intelligence Branch (PIB)/PDEU at ng Looc Municipal Police Station ang isang hinihinalang tulak ng droga sa bayan ng Looc bandang 4:15 ng hapon nitong Lunes, Marso 12.
Kinilala ang suspek na si Larry Lazaro Tansingco Gaytano, aka Larry Boy, 52-anyos, walang trabaho at tubong Sitio Sanggutan, Poblacion, Looc, Romblon.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, nabilhan diumano ang suspek ng isang sachet ng shabu. Sa paghahanap sa katawan ng suspek, nakuha rin diuman sakanya ang dalawa pang sachet ng shabu, dalawang P500 bill, at ilang mga ID ng mga pulis na nakabase sa Manila Police District.
Sa spot report ng Looc MPS, bandang 4:15 ng hapon nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Looc MPS sa pamumuno ni SPO3 Roberto Galan sa ilalim ng superbisyon ni P/SINSP Jedi Galicha, hepe ng Looc MPS, kasama ang tropa ng PIB/PDEU sa pamumuno ni SPO3 Allan M. Fruelda sa ilalim ng pamamahala ni PSUPT Romulus R. Gadaoni at ng mga operatiba ng PDEA 4B agent Jeremiah Reyes sa Sitio Sanggutan, Poblacion ng bayang ito na nagresulta sa pagkakahuli ng suspek na si Gaytano.
Mariin namang itinatanggi ni Gaytano ang paratang na kanya ang mga nakuhang droga. Nang kapanayamin ng Romblon News Network, sinabi nito na inilagay lamang umano sa katawan niya ang hinihinalang shabu at hindi rin daw umano siya gumagamit nito.
Mahaharap si Gaytano sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o mas kilalang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Sinabi rin ng arresting team na sasampahan nila ng kasong Obstruction of Justice at Resisting Arrest ang suspek.