Nakitaan ng pagbaba sa bilang ng mga babaeng maagang nabubuntis o mga teenage pregnancy cases sa lalawigan ng Romblon base sa datus ng Commission on Population (POPCOM) MIMAROPA.
Base sa datus ng POPCOM MIMAROPA, pangalawa ang Romblon sa 5 probinsya sa MIMAROPA (Mindoro Occidental/Oriental, Marinduque, Romblon, Palawan) na may mababang trend ng Teenage Pregnancy.
Noong 2015 nakapagtala ang Romblon ng 844 na kabataan, habang noong 2016 naman ay bumaba ito sa 802, pagdating ng 2017 ay bumaba pa ito sa 697 na kabataang maagang nabubuntis.
Ayon kay Dra. Ederlina Aguirre, Provincial Health Officer ng Romblon Province ng makapanayam ng mga lokal na mamahayag sa Romblon sa Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA) – Romblon nitong Lunes, March 19, sinabi ni Aguirre na nakikitang epektibo ang mga ginagawang reproductive health education ng mga Rural Health Unit sa bawat bayan sa Romblon.
Sinabi rin ni Aguirre na ang Odiongan ang isa sa may pinakamataas na kaso ng teenage pregnancy na naitala noong 2017.
Ngunit sinabi rin ni Aguirre na kahit pang-apat umano ang Romblon ay kailangan paring bumaba ang kaso ng teenage pregnancy sa lalawigan ngayong 2018.
Samantala, sinabi naman ni Aguirre na handa naman umano tanggapin sa mga Rural Health Unit ang mga kabataang manganganak lalo na sa mga may birthing facilities.
“May mga birthing facilities tayo para sa mga manganganak, halos lahat ng Rural Health Unit pwede na magpaanak at may mga trained midwife na rin yan,” pahayag ni Aguirre.