Mas maganda umano na idaan ang Charter change (cha-cha) sa constitutional convention (con-con) ayon kay Liberal Party Vice President for External Affairs Erin Tañada ng makapanayam ng Radyo Natin Odiongan 101.3 nitong Miyerkules ng hapon.
“Ako, ang posisyon ko, hindi dapat magkaroon ng charter change sa ganitong pamamaraan na con-ass kasi siyempre interes po ng ating mga mambabatas ang mamamayani parati jan, self interest. Pinakamaganda rito ay yung con-con kasi hindi makikialam rito ang mga mambabatas, mga tao ang mag dedesisyon,” paliwanag ni Tañada na nasa Romblon para mag salita sa harap ng mga pari at lay leaders ng Diocese of Romblon sa Romblon, Romblon.
Matatandaang ang pinili ng House of Representative ay con-ass para amyendahan ang 1987 Constitution.
“Ang lalabas dito kasi hindi inaasahan, for example may lumabas dito na i-regulate ang political dynasty, ang tanong tatangapin ba ng mga congressman yan?,” tanong ni Tañada.
“Importante, ang sinasabi natin, para bigyan ng pagkakataon ang lahat at gawing makakatotohanan ang pag amyenda, dapat may political dynasty provision. Sa history po natin, sa Senado lang po laging pumapasa ang Anti-Dynasty, hindi sa Congress. Sa SK, meron ng ganyan, pero sa mataas na posisyon, ewan ko po kung papayag sila,” paliwanag pa ni Tañada na miyembro rin ng Kaya Natin Movement.
Hinikayat rin ni Erin Tañada na dating representative ng Quezon Province ang mga boboto sa plebesito na alamin munang mabuti kung ano-ano ang mga probinsyon na naka paloob sa batas na kanilang pinag-bobotohan.
“Ang kailangan malaman ng ating mga mamayaman, isang tanong lang ang itatanong sa ating plebesito, ito ay kung kayo po ay pabor o hindi sa bagong saligang batas, ang problema sa ganitong sistema… kasi naka-focus lang po tayo sa federalism.”
Sinabi rin ni Tañada na may pagka Anti-poor ang federalism dahil mahihirapan umanong tumayo sa sariling paa ang mga maliliit na rehiyon na gagawing regional state. Inaahan rin umanong madagdagan ang mga buwis na binabayaran ng mga nasa regional state dahil magbabayad ng para sa municipal government, provincial government, state governenment at national government.
“E kung sa ngayon nga ay mataas na ng presyo [ng bilihin] dahil sa taxes, dahil sa TRAIN [Tax Reform for Acceleration and Inclusion] Law, eh paano pa pag magdagdag ng bureaucracy,” pahayag ni Tañada.