Binigyan ng palugit ng Department of Public Works and Highways ang mga kontraktor sa Sibuyan Island na may mga overdue projects na tapusin ang kanilang mga proyekto bago matapos ang May o June 2018.
Ito ang pahayag ni DPWH-Romblon District Engr. Napoleon Famadico ng maging bisita sa Kapihan sa PIA-Romblon nitong Lunes, March 05.
Ayon kay Engr. Famadico, nagsagawa umano sila ng meeting last month para siguraduhin sa contractor ng ilang tulay at kalsada sa Sibuyan Island na matatapos ang mga proyekto na pinapagawa sa kanila.
“Diba nagkaroon ng pronouncement si President Duterte na within 30 days ay i-terminate yung mga projects, ngayo nagpadala ng memorandum ang aming secretary at ang sabi niya kung mapapabilis naman ay pwedeng tapusin,” pahayag ni Engr. Famadico.
Dagdag pa nito, sa ngayon umano ay bigla ng nag full blast ang mga projects kagaya sa Olango Bridge sa San Fernando na meron na ngayo’y naka-deploy na mga crane.
Sinabi pa ni Famadico na kung hindi umano matatapos ang mga projects sa loob ng 30-days, kanila umano itong ipapa-bid o ibibigay sa susunod na lowest bidder kagaya umano sa ilang projects ng Arky Construction sa Sibuyan na tila hindi na umano kayang tapusin.
“Hindi pa naman fully paid yun, 15% palang naibibigay namin at yun yung sa mobilization. Intact pa ang pera, nasa office ng Department of Public Works and Highways yan,” ayon pa kay Engr. Famadico.
Isa rin umano sa tinuturong dahilan ng mga contractor kaya laging delay ang mga projects sa Sibuyan ay dahil sa pangit na weather condition noong nakaraang taon, ayon kay Engr. Famadico, nasa 40% lang umano ng mga araw sa buong 2017 ang workable.
“Yung mga contractor hindi rin natin masisi kasi approve naman yung reason nila sa central office [sa Manila],” pahayag ni Engr. Famadico.