Pansamantalang magkakaroon simula ngayong araw, ika-25 ng Marso, ng bago at dobleng schedule ng mga biyahe ang mga pampasaherong bangka sa bayan ng Sibale ngayong panahon ng bakasyon.
Ito ay bunsod ng hiling ng lokal ng pamahalaan at ng Municipal Tourism Office sa mga may-ari ng bangka para ma-accommodate at mas mahikayat ang mga residente na magbakasyon at ang ilang mga turista na bisitahin ang natatagong ganda ng bayan na Sibale na binansagang “The Pilgrimage Island Destination” ng lalawigan ng Romblon.
Mula sa kasalukuyang schedule na 6AM na Sibale to Pinamalayan at 11AM na Pinamalayan to Sibale isang beses kada araw, madadagdagan na ang schedule ng biyahe paalis at pabalik ng Sibale.
Sa bagong schedule na napagkasunduan, ang alis ng bangka mula Brgy. Poblacion, Sibale patungong Pinamalayan ay 5:30 at 10:30 ng umaga, at ang alis naman ng bangka mula Pinamalayan pabalik ng Brgy. Poblacion ay tuwing 8:30 ng umaga at 3 o’clock ng hapon sa loob ng isang araw.
Samantala, ang biyahe mula Brgy. Sampong patungong Pinamalayan at pabalik ay mananatili sa original na schedule.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Kon. Jay Falculan, may-ari ng pampasaherong bangka na M/B Falcon, pumayag sila sa hiling ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng bagong schedule ngayong bakasyon para makapaghatid sila ng magandang serbisyo sa mga uuwing mga residente at ilang lokal at dayuhang bakasyunista na inaasahang dadagsa ngayong panahon ng tag-init.
Ang tanging hiling lang nilang kapalit ay ang pagtatalaga ng mga pulis sa bawat barangay para mahigpit na mabantayan ang mga illegal na tora-tora o maliliit na pangisdang bangka na namamasahero at sinasamantala ang dagsa ng mga bakasyunista. Ito ay upang makasiguro silang hindi sila naaagawan ng pasahero at hindi nila ikakalugi ang pansamantalang schedule na ito.
Dagdag pa nila, hindi sila magdadalawang isip na itigil ang pagpapatupad ng napagkasunduang schedule kung hindi masusunod ng lokal na pamahalaan ang kanilang kaisa-isang kahilingan.
Bagama’t hati ang reaksyon ng mga residente sa pansamantalang schedule na ito, ipinaaabot nila ang kanilang suporta kung sa ganitong paraan daw ay lalo pang dumami ang mga turistang bibisita at mas makilala pa ang bayan sa mga natatago nitong ganda.