Dumaong sa isla ng Romblon ang isa sa pinakamalaking cruise ship sa mundo na MS Crystal Serenity na may lulang 400 turista at 300 crew na dumating noong Marso 11.
Ang nasabing barko ay naglayag mula sa Sydney, Australia patungong Boracay bago nagtungo ng Romblon at tumulak papuntang Maynila kinagabihan.
Ito ang pangalawang cruise ship na dumating ngayong taon sa bayan ng Romblon dahil magugunita na noong ika-29 ng Enero ay una ng dumaong ang luxury cruise ship na MS Silver Shadow.
Kahit maulan nang dumaong ang barko ay nagawa pa ring mamasayal ng mga pasaherong turista nito sa mga historical sites, mga pagawaan ng marble, tindahan ng mga marble novelty items at mga white beaches ng isla sa tulong ng mga Department of Tourism (DOT)-accredited tour guides.
Ayon kay Mayor Mariano M. Mateo, madalas ng may bumibisitang luxury cruise ship sa Romblon dahil bukod sa tahimik ay nabibighani ang mga turista sa gandang taglay ng isla at maging sa magandang pakikitungo ng Romblomanon sa mga ito.
Sa katunayan aniya, may isa pang luxury cruise ship na darating sa Romblon sa ika-16 ng Marso.
Nagkaloob naman token na yari sa batong marmol ang pamahalaang bayan ng Romblon sa mga opisyal ng naturang barko.