Ginunita nating ngayong Pebrero (22-25) ang ika-32 taong anibersaryo ng naging “handog ng Pilipino sa mundo,” ang mapayapang paraan at walang dumanak na dugo para sa pagbabago ng liderato ng gobyerno—ang EDSA People Power revolution. Para makalipas ng 32 taon, malamang ang tanong ng mga tao ngayon—may silbi pa rin ba ‘yan?
Kasi naman, kapag napag-usapan ngayon ang Edsa, ang unang papasok sa isip ng mga tao eh ang trapik. Isama na natin ang walang kamatayang aberya ng MRT-3. Masakit man isipin, pero talagang marami na ang nakalimot o hindi alam ang tinatawag na “diwa ng Edsa.”
Baka itanong ng ating kurimaw, “ano ba ang diwa ng Edsa?”
Depende siyempre ang maging sagot sa kung sino ang tatanungin. Kung tagasuporta ng mga Marcos ang tatanungin, malamang ang isasagot nila ay “pang-aagaw ng kapangyarihan.” Hindi naman kataka-taka kung ganun ang isagot nila dahil napatalsik sa kapangyarihan ang noo’y Pangulong Ferdinand Marcos dahil sa napakalaking rally sa EDSA.
Pero maliban sa napakaraming Pinoy na nagsama-sama at nagtipon-tipon sa Edsa [wala pang MRT nang panahon ‘yon], nauna munang kumalas ng suporta kay Marcos ang noo’y Defense Minister niyang si Juan Ponce Enrile at noo’y AFP Vice Chief of Staff na si Fidel Ramos.
Sa patuloy na pagdami ng mga tao sa Edsa na nanawagan sa pagbibitiw ni Marcos, at naniniwalang si Cory Aquino ang nanalo sa ginanap na snap elections, tuluyang nawala ang suporta ng militar at pulisya kay Marcos at natanggal siya sa kapangyarihan. And the rest is history na ika nga.
Malamang eh may magtatanong pa rin na 32 years pagkaraan ng Edsa, nasaan na tayong mga Pinoy? May nagbago ba para ikabubuti ng bansa o lalo lang sumama? Ang masasabi lang ng ating kurimaw tungkol diyan, 32 taon makaraan ang Edsa People Power, nakapaghalal at nakapamili ang mga mamamayan ng anim na pangulo…iyan ay indikasyon na umiiral ang “demokrasya,” ang isa sa diwa at ipinaglaban sa EDSA.
Tandaan, bago maganap ang Edsa People Power, sa nakalipas na 21 taon ay iisa lang ang naging pangulo ng bansa—si Marcos. Kung hindi nagkaroon ng mapayapang rebolusyon, isang Marcos pa rin kaya ang pangulo natin ngayon? Walang nakaaalam.
Pero dahil nakabalik na sa pulitika ang mga Marcos at muntik pa ngang manalong bise presidente si Bongbong Marcos, malay natin baka sa hinaharap eh makabalik din sila Malacanang.
Isa sa mga puna sa mga Pinoy ay ang pagiging madali raw makalimot, at may mentalidad na “weather-weather” o pana-panahon lang. Dahil malaya tayo ngayon at walang sumisikil sa mga nais nating gawin at sabihin, tila “deadma” lang ang “diwa” ng Edsa at ang pinoproblema ng marami ay ang “traffic” sa Edsa.
Sa ngayon, gaya ng kandila ay walang sindi ang mitsa ng “diwa” ng EDSA. Ngunit nandiyan lang ‘yan at puwedeng mag-apoy muli kapag kinailangan dahil mananatili na ‘yan sa kamalayan ng mga Pinoy na nagpapahalaga sa kalayaan at demokrasya ng bayan.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)