Mayroong aabot sa P15-million na budget ngayong taon ang ipinagkaloob ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Romblon sa libreng scholarship sa Technical Vocational Education and Training (TVET) programs ng TESDA-Romblon.
Ito ang pahayag ni Dir. Carlos Flores, regional director ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) – MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) nitong Martes sa isinagawang launching ng 2nd Year ng TESDA MIMAROPA Service On Wheels sa Odiongan, Romblon.
Sinabi ni Flores na nagbibigay ang TESDA ng libreng tuition, toolkits, at minsan ay allowances dipende kung papasok sa Skills Training for Employment Program ng TESDA.
Dagdag pa ni Flores na maaring madagdagan pa ang mga benifets na ito dahil sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act nitong nakaraang taon na nagsasabing libre na dapat umano ang lahat ng gagastusin ng estudyante sa mga paaralan.
Nadagdagan rin umano ang budget ng TESDA ngayong taon dahil sa mga tumutulong katulad ng ilang Senador, at Kongresista at mga Partylist sa Kamara. Sinabi ni Flores na noong 2017 ay umabot lamang sa P64-million ang budget ng TESDA-MIMAROPA ngunit ngayong unang 6 na buwan palang ng 2018 ay aabot na sa P105-million ang kanilang budget.
Sinabi naman ng TESDA-Romblon na ang P15-million budget na nakalaan na sa kanila ay pwede pang madagdagan pa.
Ayon kay Engr. Lynette Gatarin, Supervising TESDS ng TESDA-Romblon, ang P3-million umano sa budget ng TESDA ay galing kay Congressman Emmanuel Madrona.
Sa ngayon, may roong 7 schools/training center na nag-offer ng 42 programs ng TESDA sa buong Romblon. Nadagdagan pa ito matapos buksan ang isang training center sa Odiongan, Romblon ngayong araw.
Samantala, sinabi ni Dir. Flores ng TESDA-MIMAROPA na posibleng bago matapos ang taong 2018 ay magiging batas na ang House Bill 6062 may layuning makapagtayo ng Provincial Training Centers ng TESDA sa mga lugar ng Cajidiocan sa Sibuyan Island at Odiongan sa Tablas Island.
“Ginagawa na namin ngayon ang mga kailangang papel at ngayong Marso ay ipapasa na namin ito sa Kamara,” pahayag ni Flores.