Hindi pa tukoy kung kelan magkakaroon ulit ng bagong supply ng NFA Rice ang mga merkado sa bayan ng Romblon at Sibuyan Island na matatandaang inunsyo ng National Food Authority Romblon na ubos na ang kanilang stocks sa mga nasabing isla.
Sinabi ni NFA Provincial Manager Romulo O. Aldueza nang makausap ng mga mamahayag sa Romblon nitong Lunes sa ‘Kapihan sa PIA-Romblon’ na wala silang time-table kung kelan sila magkakaroon ng stocks sa kanilang mga bodega.
Maari umanong pagkatapos ng dalawang Linggo o di kaya’y higit pa.
Sinabi rin ni Aldueza na mas lalong lumiit ang kanilang stocks ng NFA rice sa kanilang bodega sa Odiongan kaya baka ipatigil na rin umano nila sa mga susunod na araw ang distribution sa mga accredited reseller nila ng bigas sa mga merkado.
“Sa ngayon siguro nasa 500 sacks nalang ang available sa warehouse sa Odiongan,” pahayag ni Aldueza.
Sinugurado rin ni Aldueza na ang mga NFA rice lang ang may shortage at marami namang mga commercial rice na ibinibenta sa mga merkado na galing Mindoro at mga sariling palay ng Romblon.
Presyo ng NFA Rice sa Magdiwang, umabot ng P34
Sinabi naman ni NFA Manager Aldueza na tinitingnan na nila kung saan ang reseller nila ng bigas sa Magdiwang na nagbebenta ng mas mataas sa suggested retail price ng P27 lamang.
Ayon sa mga taga-Magdiwang, nitong nakaraang linggo umano ay umabot sa P34 ang kanilang NFA na nabibili.
Sinabi naman ni Aldueza na maari umanong makaapekto sa presyo ng bigas ang mga dinadaanan ng bigas o palay bago makarating sa market sa Sibuyan kagaya nalang umano ng bayad sa mga trucking.
NFA at BJMP Memorandum
Wala naman umanong dapat ikabahala ang mga nakakulong sa mga kulungan ng Bureau of Jail Management and Penology sa Odiongan at Romblon dahil sinigurado ng National Food Authority Romblon na mabibigyan ng supply ng bigas ang kanilang pasilidad para may makain ang mga nakakulong rito.
Sa Odiongan lamang umano ay umaabot na sa halos 50 sacks ang kanilang nagagastos gada buwan para pakainin ang mga preso.
“Kaya naman, dun tayo kukuha sa food security para sa BJMP. Maliit lang naman ang kailangan ng jail, mga nasa 50 sacks lang,” pahayag ni NFA Manager Aldueza.