Nanawagan ang mga estudyante ng Mabini National High School na nakatira sa Barangay San Roque sa Simara Island, Romblon na sana mabigyan ng solusyon ang sirang footbridge na kanilang dinadaanan patungo ng paaralan.
Ayon sa post ni John Lyr Mores Falcunaya, estudyante ng Mabini National High School, nahihirapan umano silang dumaan sa sinasabi nilang shortcut sana patungo sa kanilang paaralan dahil sira-sira na ang mga kawayang nagdudugtong sa mga tulay.
Ang nasabing tulay ay sinira ni Bagyong Nona noong 2015 at hanggang ngayon ay hindi umano naayos ng local government unit.
Sinabi naman ni Mayor Rachel Bañares ng Corcuera, Romblon na naglaan na ang provincial government ng P500,000 na budget ngayong taon para sa nasabing project.
“Yan ang na-identify ko na prioirty project during our provincial development council [meeting]. Ang total budget for total rehab is P3-million daw sabi ng Engr. [Provincial Engineering Office] kaya sabi ko unahin muna ang mga sirang-sira,” pahayag ni Mayor ng makausap ng Romblno News Network.
Umaasa si Mayor Banañares na makapagsagawa ng bidding ngayong darating na Marso ang Provincial Engineering Office para sa nasabing proyekto.