Matapos ang 5 taong pagtatago ay naaresto na ng mga tauhan ng Alcantara Municipal Police Stationn, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Romblon, Provincial Intelligence Branch, Romblon Provincial Mobile Force Company, at Imus Cavite Police Office ang number one most wanted person ng bayan ng Alcantara, Romblon.
Kinilala ang suspek na si Dennis Ostera Mendez, 31-taong gulang, isang security guard, at wanted dahil sa kasong murder.
Naaresto si Mendez sa isinagawang manhunt operation sakanya ng mga awtoridad nitong hapon ng Lunes sa Summer Pointe Subdivision, Barangay Pasong Buaya 2, Imus City, Cavite sa bisa ng isang warrant of arrest na nilabas ni Judge Jose Madrid ng Regional Trial Court Branch 82, Odiongan, Romblon noong April 2013.
Tinuturong isa sa mga suspek si Mendez sa pagpaslang sa kanyang tiyuhin noong 2011 ngunit lumabas ang warrant ay taong 2013 na.
Ayon kay Police Inspector Loveno Galarosa ng Alcantara Municipal Police Station, na-monitor umano nilang laging nagpo-post sa Facebook ang suspek kaya nalaman nila ang lokasyon nito saka nila pinuntahan sa Cavite at hinuli.
Nakakulong na ang suspek at ihaharap sa korte sa Romblon. Walang piyansa ang kaso ni Mendez.