Wala ng supply ngayon ng NFA Rice ang mga palangke sa isla ng Sibuyan, at Romblon ayon sa opisina ng National Food Authority-Romblon nang makapanayam ng Romblon News Network ngayong araw.
Sinabi ni NFA Provincial Manager Romulo O. Aldueza na nakareserve na ang stock sa Sibuyan at Romblon para sa security purposes sa maaring banta ng kalamidad.
“Hindi naman natin sinasabi na magkakaroon ng kalamidad, pero may pag-uusap kasi ang pamahalaan na kailangang magreserve ng 500-1000 sacks of rice para may magagamit kung sakaling kailangan ng DSWD [Department of Social Welfare and Development],” pahayag ni Aldueza.
Sa ngayon umano sa bodega nalang sa Odiongan may stocks ng NFA rice at ito umano ay aabot pa sa mahigit 3,000 sacks pa ng bigas.
“Tatapatin ko na po kayo, sa totoo po, maliit na po ngayon ang stocks na yan,” sagot ni Aldueza kung malaki pa ba 3,000 sacks na bigas.
Aniya, ang 1,000 umano rito ay kailangang i-secure at yung 2,000 nalang na sako ang pwedeng i-destribute sa mga accredeted sales agent nila sa iba’t ibang bahagi ng Tablas. Marami pa naman umanong commercial rice sa mga palengke sa buong Romblon sa ngayon kaya wala umanong dapat ipagalala ang mga mamimili.
Samantala, hindi pa tukoy ng National Food Authority-Romblon kung kailan uli magkakaroon ng dagdag sa stocks ng NFA Rice sa bansa dahil pinag-uusapan pa umano ito sa national level.
“Dipende kung may mapagkukunan na, dinadaan kasi sa bidding yan kaya matagal,” ayon pa kay NFA Provincial Manager Romulo O. Aldueza.
Patuloy naman ang ginagawang pagbabantay ng National Food Authority-Romblon sa presyo ng Commercial Rice at NFA Rice na sa kasalukuyan ay nasa P27 umano ang kilo.