Nagbara-barangay ang mga kawani ng Municipal Health Unit ng Concepcion, Romblon para sa kanilang inilunsad na mobile registration para sa mga residenteng nagnanais na magpatala at maging miyembro ng PhilHealth.
Kasama rin sa nasabing proyekto ang pag a-update sa record ng mga dati nang nakapagpatala.
Binubuo ang team nina Ms. Criselle Jane Fabreag, RN; Ms. Angelica Lorraine Soto, RN; Ms. Joyce Pilapil, RM at Mr. Frank Falculan sa pamumuno ni Dr. Jemuel Chua, MD, at katuwang ang lokal na pamahalan at mga opisyal ng barangay.
Pangunahing layunin ng nabanggit na programa na magkaroon ng PhilHealth ang lahat ng mga residenteng may edad labingwalong taong gulang pataas partikyular ang mga residenteng may mga mabababang kinikita para matustusan ang pang araw-araw na pangangailangan.
Ikinatuwa naman ng mga residenteng nakapagpatala ang ganitong programa dahil magkakaroon na sila ng mga prebilihiyong ipinagkakaloob ng PhilHealth para sa kanilang mga miyembro na magagamit sa tuwing sila ay nagkakasakit at naoospital.
Nagpapaabot din sila ng pasasalamat sa mga masisipag na kawani ng Municipal Health Unit at sa kani-kanilang mga opisyal ng barangay na nagtutulong-tulong para maisakatuparan ang ganitong napakagandang proyekto.