Pinawalang sala ng Sandiganbayan si dating Looc, Romblon Mayor Juliet Ngo-Fiel sa kasong paglabag sa section 3 (e) ng Republic Act No. 3019 o mas kilalang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ang nasabing kaso ay may kaugnayan sa P9-million grant na natanggap ng Looc, Romblon mula sa Department of Agriculture (DA) para sa rehabilitasyon ng kanilang Small Water Impounding Project noong 2007.
Ayon sa 33-page decision ng Sandiganbayan na nakuha ng Romblon News Network, wala umanong nagawang damage o injury ang grupo ni Fiel sa gobyerno ng Pilipinas.
Sinabi rin ng Sandiganbayan na natapos ang nasabing Small Water Impounding Project alinsunod sa guidlines, at specification na nakasaad sa kontrata ng Local Government at ng lone bidder na R.G. Florentino Construction and Trading (RG Florentino).
“Absent any damage nor injury, coupled with the fact that the accused were merely actuated by good faith in acting as they did in the implementation of the subject project, this court therefore is inclined to absolve them from the instant criminal charge,” saad sa nasabing desisyon.
Kasama ring napawalang sala sa criminal charge sina Solomon T. Gregorio, Renato S. Saludaga, Jessie L. Jomadiao, Wilma F. Pastor, at Rolando C. Gregorio.
Sa maikling pahayag, sinabi ni Ex-Mayor Fiel na possitive umano sila sa simula palang na ma-acquit sila dahil wala naman umanong injury ang government funds sa nasabing project.
Ipinag-utos rin ng Sandiganbayan na tanggalin ang Hold Departure Order ng mga inakusahan.