Hinatulang guilty ng Sandiganbayan 4th Division sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) si dating Mayor Leo Merida ng bayan ng Romblon noong nakaraang Biyernes. Kasama ni Merida sa mga nahatulang maysala sina dating SB at ngayo’y Romblon incumbent Mayor Mariano Mateo, dating SB member Melben Mesana, Gerry Mijares Francisco Mayor, Jr., Chris Mazo, Ramon Magallon, Edler Robis, Rafael Riano, at Bryant Riano. Na-dismissed naman ang kaso laban kay dating Vice-Mayor Nonito Mallen dahil sa ito’y yumao na ilang taon na ang nakalilipas.
Anim (6) na taon at isang buwan hanggang sampung (10) taon na pagkabilanggo ang ipinataw ng korte laban sa mga akusado. Ipinag-utos din ng anti-graft court ang habambuhay na pagbabawal (perpetual disqualification) na humawak pa ang mga ito ng anumang posisyon sa gobyerno. Ayon sa korte, walang dudang napatunayan ang paglabag ng mga ito sa Section 3 (e) ng RA 3019 na nagsasaad na:
“Section 3. Corrupt practices of public officers. In addition to acts or omissions of public officers already penalized by existing law, the following shall constitute corrupt practices of any public officer and are hereby declared to be unlawful:
(e) Causing any undue injury to any party, including the Government, or giving any private party any unwarranted benefits, advantage or preference in the discharge of his official administrative or judicial functions through manifest partiality, evident bad faith or gross inexcusable negligence.
Ang kaso ay nag-ugat sa pagbili ng munisipyo ng Romblon ng isang yunit na backhoe sa halagang P13,950,000.00 noong taon 2005 nang walang isinagawang public bidding. Ang mga orihinal na nagreklamo sa Tanggapan ng Ombudsman ay sina dating Romblon Vice-Mayor Lyndon Molino, ang yumao nang konsehala Salvacion Duco, at concerned citizen Ibarra Silverio.
Samantala, patuloy na kinukunan ng pahayag ng Romblon News Network ang mga nahatulan.