Arestado nitong Miyerkules sa magkahiwalay na operasyon sa bayan ng San Andres at Alcantara sa Tablas Island, Romblon ang dalawang wanted dahil sa magkahiwalay na kaso.
Ayon kay Police Senior Inspector Leidelyn Ambonan ng Romblon Provincial Police Office, unang naaresto ng mga tauhan ng San Andres Municipal Police Station at Bongabong Municipal Police Station bandang alas-4 ng hapon ni Manuel Gagani Madeja, 68-taong gulang, at residente ng Barangay Poblacion, San Andres, Romblon.
Ayon sa pulisya, wanted si Madeja dahil sa kasong murder at may pending warrant of arrest na nilabas ng Regional Trial Court Branch 42 Pinamalayan, Oriental Mindoro noong 2007.
Sunod namang naaresto si Pablito Gabriel Galario, 50-anyos, residente ngaman ng Barangay Poblacion, Alcantara, Romblon; ilang oras matapos na ilabas ng Regional Trial Court Branch 82 Odiongan, Romblon ang warrant of arrest laban sa kanya.
Wanted si Galario dahil kasong Acts of Lasciviousness in relation sa Republic Act 7610 o mas kilalang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Naaresto si Galario ng pinagsamang pwersa ng Alcantara Municipal Police Station, Provincial Mobile Force Company, Regional Intelligence Division, CIDG at Regional Intelligence Unit.
Sina Madeja at Galario ay pawang barangay tanod ng kani-kanilang barangay sa San Andres at Alcantara.
Walang piyansa ang kaso ni Madeja samantalang si Galario ay maaring makalaya kung magbabayad ng P80,000 na piyansa.
Nakakulong na ang dalawa at inaasahang dadalhin sa korte kung saan sila nilabasan ng warrant of arrest.