Magkakaroon na ng regular na biyahe ng barko mula Palawan patungong Malaysia simula Pebrero.
Ayon sa ipinalabas na impormasyon ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan, ang pagbubukas ng nasabing ruta ay inanunsiyo sa pakikipagpulong ng delegasyon ng Palawan sa mga opisyal ng Kudat, Kota-Kinabalu at Sabah sa bansang Malaysia kamakailan.
Ang kompanyang Archipelago Philippine Ferries Corporation (APFC) na nakabase sa Maynila at siyang nagmamay-ari ng sasakyang pandagat na Fast Cat ang magseserbisyo sa nasabing ruta na magsisimula sa Buliluyan Port, Bataraza, Palawan patungong Kudat, Malaysia.
Ang Fast Cat Ferry ay may kakayahang magsakay ng 275 na pasahero, 35 sasakyan at 12 sasakyang panghakot ng mabibigat na kargamento (lorries). Ang biyahe ay magtatagal ng anim na oras. Ang ferry ay aalis sa Buliluyan Port sa umaga at darating sa Kudat Port dakong tanghali at muling bibiyahe pabalik sa Palawan sa dakong hapon.
Mayroon na rin umanong Customs, Immigration, Quarantine and Security (CIQS) centers ang dalawang pantalan na magpoproseso ng mga dokumento ng mga biyahero.
Inaasahan na ang bagong ruta ito ng barko mula ay lalo pang magpapasigla sa industriya ng turisto sa pagitan ng Palawan at Kota Kinabalu.
Ang nasabing pagpupulong na isinagawa sa Kota Kinabalu na pinangunahan ni Kudat Assemblyman at Special Tasks Minister Datuk Seri Teo Chee Kang ay dinaluhan nina Palawan Governor Jose Chaves Alvarez at Brunei, Indonesia, Malaysia, Philippines – East Asian Growth Area (BIMP-EAGA) Regional Chairman Datuk Roselan Juhar at mga matataas na opisyales ng Sabah Ports Sdn Bhd at Suria Capital.
Sa kasalukuyan ay pinaghahandaan na ng pamahalaang panlalawigan ang isasagawang trial run ng Fast Cat Ferry ano mang araw ngayong Pebrero. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)