“Lalaki, tiklo dahil sa lotteng…“, ito ang natunghayan natin sa mga lokal na balita noong isang araw. Hindi na rin po tayo nagtataka sa balita na ito, dahil ito naman talaga ay inaaasahan na natin na isa sa mga magiging consequences ng pagbubukas ng operasyon ng Small Town Lottery (STL) sa lalawigan ng Romblon, matapos buksan ang kanilang operation center o opisina sa bayan ng Odiongan noong nakaraang buwan.
Matatandaan na naging kontrobersyal ang pagbubukas ng STL sa nasabing bayan dahil una, maigting itong tinututulan ng nakararaming mga residente doon, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, at iba’t ibang sektor tulad ng simbahan, estudyante at mga kabataan. Nagkaroon pa nga ng mapayapang rally kontra sa nasabing operasyon ng STL noong Disyembre last year. Maliban sa bayan ng Odiongan, tinutulan din ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Calatrava ang operation ng STL sa kanilang bayan.
Kasunod ng kontrobersya ng STL operation sa lalawigan ng Romblon, naglabasan sa mga balita sa pahayagan, bagamat ang mga ito’y hindi na rin bago, ang mga umano’y anomalya sa opearsyon ng STL na bilyon-bilyong kita nito ang hindi umano napupunta sa kaban ng gobyerno, kung kaya’t marami ang naniniwala na dapat ipatigil na umano ito.
Si Senator Ping Lacson ay isa sa mga mataas na opisyal ng gobyerno na nagsabing, kung hindi umano kayang kontrolin ng PCSO ang operasyon ng STL ay ipapatigil o ipapaalis ang probisyon nito sa charter ng PCSO.
Inilunsad ang STL noong pang 1987 upang patayin umano ang illegal na sugal na jueting. Aakalain mong magandang pakinggan pero ang totoo ay tila baga ginawa din lang na legal ang sugal, yun nga lang this time around, gobyerno na ang bangka. Bagamat, hindi natin maikakaila na kahit papaano ay nakakaambag ito sa pundo ng PCSO para sa mga charity programs ng pamahalaan, subalit maliwanag pa sa sabaw ng buko na hindi nito na-serve ang umano ay purpose nito na patayin ang mga illegal na sugal, bagkus naging front lamang ito upang mas mayagpag ang illegal gambling sa likod ng maskara ng STL.
Ayon pa kay Lacson sa ginawang pagdinig sa Senado, noong Miyerkules (January 24, 2018), natuklasang P48 bilyon bawat taon ang nalulugi sa gobyerno. Ayon pa sa Senador, ang monthly income ng STL operations sa walong rehiyon sa Luzon ay nag-a-average ng P6.05 bilyon. Mas mataas pa umano ito kaysa sa monthly collection ng PCSO na P1.7 bilyon mula sa authorized agent corporations (AACs). May mali umano sa STL sapagkat ang gambling lords ang nakikinabang at hindi ang gobyerno.
So, magtataka pa ba tayo na, kung dati na ay halos wala na tayong nababalita na nagpapataya sa lotteng sa lalawigan ng Romblon e, bigla na naman nagkaroon? Ito ang sinasabi na, ‘kahit ka pa nakapikit ay alam mo na ang matik’.