Aabot sa mahigit 30 pasahero ang stranded sa San Agustin Port sa Tablas Island matapos na kanselahin ng Coast Guard Station Romblon ang biyahe ng RORO at pumpboat ngayong araw galing San Agustin Sibuyan Island dahil sa epekto ng Bagyong Basyang at ng Hanging Amihan.
Binigyan na rin umano ng tulong ng Local Government Unit ng San Agustin at ni Congressman Emmanuel Madrona ang mga na-stranded na pasahero.
Ayon kay Cajidiocan SB Member Marvin Ramos, ang ilan sa mga na-stranded ay patungong Cajidiocan, Romblon.
Nagbigay rin umano ang LGU San Agustin at si Congressman Madrona ng magandang matutuluyan para sa mga na-stranded.
Sa huling update galing sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA), nakataas parin ang Gale Warning sa Eastern at Southern Seaboard ng lalawigan ng Romblon.
Samantala, huling namataan ang sentro ng bagyong #BasyangPH sa kalayong 45 km East Northest ng Dumaguete City, Negros Oriental taglay ang lakas na 45kph malapit sa gitna at 65kph na bugso ng hangin.
Inaasahang Huwebes ng hapon ito lalabas ng Philippine Area of Responsibility.