Sakto ang 50-50 (50%-50% employer-employee share) na panukala ng Social Security System (SSS) sa hatian ng employer at employee para sa buwanang kontribusyon, na nagpapahiwatig kung sa pasyente o kondisyon ng pasyente na naghihingalo na ito. Mantakin mo nga naman, imbis na ipasa sa employer ang anumang dagdag-singil sa kontribusyon ay lumalabas na sa manggagawa ito ipapasa. Sa ngayon, ang hatian ng employer-employee ay 7.37%-3.63% respectively.
Ang dagdag-singil sa kontribusyon ay isa sa inaasahan nating paraan ng SSS upang bawiin naman ang pagtaas sa buwanang pension ng mga SSS pensioners, matapos ipatupad ng gobyerno ang dagdag P2,000 pension.
Naging kontrobersyal ang pension hike na’to na bagamat pabor sa mga pensyonado, syempre gusto natin na mas malaki ang matatanggap ng mga SSS pensioners kada buwan, kaso walang panustos ang SSS para rito. Kung walang ibang mapagkukunan ng pundo ang SSS, nanganganib na masaid ang pundo nito hanggang sa 2022. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit hindi pinirmahan ni dating Pangulong Aquino ang batas tungkol sa dagdag-pensyon, bagamat pasado na ito sa kongreso at senado.
Kung dinagdagan man ang pension, mas mainam sana na sa tubo o kita ng SSS ito kunin, hindi yung ipinasa din lang sa mga contributors. O kaya, bakit hindi ipatong sa mga employers, tutal sila yung mga kumikita sa kanilang negosyo? Pahirap sa mahirap, pero itong mga executives ng SSS e, naibalita noon pa na halos kalahating milyon hanggang aabot sa isang milyon ang buwanang sweldo.
Biruin mo nga naman, lahat naipatong na sa mamamayan, dahil sa pagtaas ng presyo ng mga basic goods and services dahil sa TRAIN, tapos itong SSS e, ipapasa din lang sa contributors ang dagdag sa kontribusyon. Aba’y 50-50 nga ang mga mahihirap dahil sa mga sistemang ito.