Mukhang literal na sinusunod ng ilang kalalakihan sa Thailand ang kasabihan na higit sa panlabas na hitsura eh mas mahalaga kung ano ang nasa “loob.”
Kaya naman pinagpistahan ng netizens ang lumabas na ulat kamakailan tungkol sa isang klinika sa Bangkok na dinadagsa raw ng mga kalalakihan na nais paputiin ang kanilang “kaloob-looban”—ang kanilang “pututoy.”
Tama, hindi lang pala singit, siko, kilikili, tuhod, o batod ang kayang paputiin sa kanila kung hindi maging si “manoy.” Aba’y nasa tatlong kliyente raw bawat ang araw pinagsisilbihan ng klinika na nasa edad 22 hanggang 55.
At nagagawa raw na paputiin ang ari ng lalaki sa pamamagitan paggamit ng laser na nagkakahalaga ng $650 ang limang sessions. Pero tanong ng ating kurimaw na ipinaglihi sa uling, bakit umiitim ang singit at maging ang “balls” ni “manoy” samantalang nakatago naman ito at hindi naman nabibilad sa araw?
Kung tutuusin, hindi naman masama kung nais mong pagandahin ang sarili mo lalo na kung makatutulong ito para tumaas ang iyong kompiyansa sa sarili. Kaya nga maging ang ilang artista natin eh sumasailalim sa proseso ng “salamat po duktor” para lalo silang maging kaaya-aya sa mata ng fans.
Iyong nga lang, ginagawa ng mga celebrity at ilang ordinaryong tao ang pagpaparetoke para maging maganda sila sa paningin. Ibig sabihin, makikita kung anumang ang ipinaayos nila tulad ng buhok, ilong, pisngi, baba, o maging boobs at balakang.
Pero itong sa Thailand, plano kaya nilang iwagayway sa publiko si “jun jun” nila kaya pinapaputi nila? Paano kaya kung kayumangging sunog ang kutis ng kaniyang balat at biglang naging mestizo ang kaniyang “manoy,” aba’y baka magmukhang “albino” ang kaniyang “sandata.”
Gaya nang inaasahan, katakot-takot na komento mula sa netizen ang inabot ng istorya at karamihan yata ay hindi boto sa naturang pagpapaputi ng “pututoy.” Mayroon namang natawa lang, habang may ilan na tila nagsasabing walang basagan ng trip kung gustuhin man ng mga kalalakihan doon na i-makeover ang kanilang “alaga.”
Ngunit gaya pa rin ng kasabihan na mas mahalaga ang nasa “loob” kaysa panlabas na kaanyuan, mayroong mga nagkomento na ang mas mahalaga pa rin ay kung papaano ang “performance” ni “manoy.” Aba’y pumuti nga naman at gumanda ang hitsura ni “jun jun” pero sa “labanan” eh lantahing gulay at hindi tumatagal, waley din.
Sa totoo lang, anuman ang dahilan ng mga taong nagpaparetoke ay buhay at gusto nila iyon kaya dapat igalang natin. Gaya nga ng sabi natin, kung makatutulong iyon sa kanilang pagkatao at magpapataas ng kanilang kompiyansa at para sa kanilang ekonomiya, aba’y sige lang.
Pero sa huli, huwag lang sana nilang kalilimutan ang tunay na “golden rule,” na higit na mahalaga talaga sa panlabas na anyo ang mabuti at magandang kalooban—ang ugali.
Anyway, happy fiesta sa mga taga-Romblon at Congratulations kina Mayor Anoy Mateo, Vice Mayor Macmac Silverio at buong konseho.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)