Pinasususpendi ng Office of the Ombudsman ang Presidente ng Romblon State University (RSU) na si Dr. Arnulfo De Luna dahil sa Simple Misconduct sa kanyang trabaho.
Ayon sa desisyon ng Ombudsman, 3-buwan at isang araw suspendido si Dr. De Luna at ito umano ay nagsimula nitong December 29, 2017 hanggang sa March 31, 2018.
May kaugnayan ito sa kasong isinampa sa Ombudsman ni Tomas Faminial, professor ng Romblon State University Main Campus, kung saan ay na-hold sa RSU ang sahod nito matapos hindi pirmahan ng OIC Accountant noon ang clearance ni Faminial dahil sa di umano’y unliquidated na pera na binigay ng CHED para sa isang income generating project.
Ayon sa source ng Romblon News Network sa Romblon State University, panahon pa umano ni Dr. Jeter Sespeñe na download ang budget at pag-upo ni Dr. De Luna ay nag-utos itong i-liquidate lahat ng pera galing sa mga Income Generating Projects.
Itinanggi ni Faminial na may pananagutan siya sa nasabing pera at inilaban sa Office of the Ombudsman ang pag-hold sa sahod niya.
Natanggap na rin umano ang desisyon ng Board of Regents ng Romblon State University at na-implement na alinsunod sa utos ng Office of the Ombudsman.
“The Honorable Board of Regents of Romblon State University is hereby directed to implement this DECISION immediately upon receipt thereof pursuant to Section 7, Rule III of Administrative Order No. 17 (Ombudsman Rules and Procedure), in relation to Memorandum Circular No. 1, Series of 2006 dated 11 April 2006 and to promptly inform this Office of the action taken thereon,” ayon sa desisyon ng Office of the Ombudsman.
Itinalaga na muna si Vice President for Academic Affairs Elvin Gaac bilang Officer In Charge at kapalit muna ni Dr. Arnulfo De Luna.
Sinubukang kunan ng pahayag ng Romblon News Network si Faminial ngunit tumanggi muna itong magpa-interview samantala hindi pa sumasagot sa Romblon News Network si Dr. Arnulfo De Luna.