Nanawagan ang mga residente ng San Fernando, Sibuyan Island sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa mga kontraktor ng dalawang malalaking tuloy sa lugar na tapusin na ang paggawa sa mga ito dahil nahihirapan na ang mga estudyanteng pumapasok sa mga eskwelahan.
Halos 3-taon na matapos na sirain ang Punong Bridge sa nasabing bayan para sana sa reconstruction ng tulay ngunit hanggang ngayon ay hindi parin ito natatapos.
Pansamantalang nagtayo ng detour ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para may madaanan ang mga dumadaan sa Punong Bridge at sa isa pang tulay na may pangalang Olango Bridge ngunit lagi umano itong nasisira kapag bumabaha o umaapaw ang ilog kagaya ng nangyari nitong December 2017 nang manalasa ang bagyong Urduja.
Ayon sa isang netizen, nagbabayad ang mga estudyante ng P10 para makasakay sa bangka at makatawid ang mga estudyante para makapasok sa paaralan. May ilang estudyante na rin umanong hindi nakakapasok dahil dagdag pasanin pa ang binabayaran para lang makatawid.
Ang ilang gustong namang mamalengke ay nagbabayad pa ng P200 para lang maitawid ang kanilang mga motorsiklo sa ilog.
Panawagan nila sana matapos na ang paggawa sa mga nasabing tulay para hindi na mahirapan ang mga estudyante.
Wala pang pahayag ang Department of Public Works and Highways kaugnay rito.