Ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) – Romblon ay bumili ng speed boat upang magamit sa pag-rescue sa panahon ng kalamidad o anumang sakuna sa dagat.
Sinabi ni Engr. Antonio Sarzona, PDRRM Officer, ang rescue boat na kanilang binili ay nagkakahalaga ng P3.5 milyon na may sukat na walong talampakan ang haba, 7 ft. 06 inches ang lapad, mayroong 150 horse power na Yamaha engine, may bilis na hanggang 32 knots at kayang maglulan ng sampu katao.
Ani Sarzona, ang pagbili sa naturang gamit ay bilang kahandaan ng PDRRMO sa kalamidad at malaki aniya ang maitutulong nito sa panahon ng emerhensya, partikular sa pagsagip ng buhay lalo pa’t napapalibutan ng dagat ang buong lalawigan.
Halos kada taon aniya ay may naitatalang paglubog ng bangka o iba pang sakuna sa karagatang sakop ng Romblon kung kaya kanilang sinikap na maglaan ng pondo para sa pagbili ng naturang speed boat.
Nitong mga nagdaang taon aniya ay hirap ang mga awtoridad sa pagresponde dahil sa walang mabilis na sasakyang pandagat na maaaring magamit kaya asahan na aniya na kung sakaling magkaroon ulit ng sakuna sa dagat ay makakapag-rescue na agad ang mga tauhan ng PDRRMO.