Simula nitong pagpasok ng buwan ng Enero ng taong kasalukuyan, tuluyan nang itinigil sa Sibale ang panghuhuli sa gabi ng isdang tambakol at iba pang malalaking isda gamit ang lambat, na kung tawagin ng mga residente ay ‘Tibog’.
Bunsod ito ng suhistyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR na itigil na ang panghuhuli ng mga malalaking isda sa laot gamit ang nabanggit na pamamaraan batay na rin sa kasalukuyang batas na pinaiiral sa buong Pilipinas gaya ng R.A. 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act at ang R.A. 8550 o ang Philippine Fisheries Code na parehas na pinatutupad para ma-protektahan ang mga nanganganib nang mga hayop hindi lang sa ating bansa kung hindi pati na rin sa buong mundo.
Ayon kasi sa mga kawani ng BFAR na nagsagawa ng isang seminar patungkol sa kung paano mapangangalagaan ang karagatan, ang ganitong paraan daw ng paghuhuli ng tambakol ang isa sa mga dahilan kaya ang mga dolphin na dati ay laging nakikita sa palibot ng bayan ay bihira na raw masilayan ng mga residente at ilang turistang pumupunta para magbakasyon.
Marami daw kasing dolphin ang namamatay gamit ang ganitong pamamaraan dahil laging kasama ang mga ito ng mga tambakol na lumalangoy kaya hindi naiiwasan na sila’y nalalambat din sa ‘Tibog’.
Kuwento pa ng isang mangingisda na ayaw nang magpabanggit ng pangalan, halos araw-araw nga silang nakakahuli ng dolphin at dahil sa alam daw nilang bawal, kung kaya ay itinatapon at iniiwan na lang daw nila ito sa laot. Tanging mga tambakol at ilang klase ng tuna lang daw ang kanilang kinukuha para ibenta at mapakinabangan.
Ang mga dolphin kasi ay isa lamang sa uri ng mga yamang dagat na kabilang sa mga tinatawag na endangered species ng karagatan na ipinagbabawal hulihin o patayin.
Tanging pangingisda gamit ang kawil o ang tinatawag ng mga local na ‘yambo’ ang pinapayagan ngayon para manghuli ng mga tambakol.
Mahigpit na ring ipinagbabawal sa mga taga-ibang lugar na hindi residente ng Sibale ang pangingisda sa karagatang sakop ng nasabing bayan.
Wala namang magawa ang mga may-ari ng pangisdang ‘Tibog’ sa buong bayan, kahit ‘yong iba ay hindi pa talaga nakakabawi ng kanilang puhunan, kung hindi ang sumunod sa direktibang ito at itigil na ang pangingisda kahit pa alam nilang may mga tauhan silang maapektuhan at mawawalan ng hanap-buhay.
Maghahanap na lang daw sila ng alternatibong pagkakakitaan para naman hindi magutom ang mga pamilyang umaasa din lang sa ‘Tibog’.