Bagamat ilang taon nang naipasa ang isang panukalang nagbabawal sa pagmamaneho ng motorsiklo nang walang suot na helmet o ano mang uri ng kasuutang pangkaligtasan sa ulo ng mga nagmamaneho ng motorsiklo sa buong bayan ng Sibale, mahigpit na itong ipinatutupad simula noong kalagitnaan ng nagdaang taong 2017.
Bunsod ito ng kahilingan ng mga residente at mga opisyales na panahon nang higpitan ang pagpapatupad nito.
Si dating Konsehal ng Bayan Joseph Fetesio ang may akda ng panukalang ito noon pang 2013 na ang layunin ay maiwasan ang anumang sakuna na posibleng mangyari dahil sa pagmamaneho ng motorsiklo ng walang kaukulang helmet. Ang helmet ay kinakailangang may nakadikit na sticker at aprobado ng Department of Trade and Industry o DTI.
Dahil dito, regular na nagsasagawa ngayon ng checkpoint at pag-iikot ang mga tauhan ng Concepcion Municipal Police Station sa ibat-ibang barangay para masiguro na ang lahat ng mga nagmamaneho ng motor ay sumusunod sa naturang batas.
Ang sino mang mahuhuli na lumalabag sa ordinansang ito ay papatawan ng multa na hindi bababa sa P500 o hindi bababa sa isang buwan na pagkakakulong para sa unang paglabag; P1,500 na multa naman o hindi bababa sa tatlong buwan na pagkakakulong para sa ikalawang paglabag; P2,500 na multa o pagkakakulong ng hindi bababa sa anim na buwan o parehas na ipapataw sa pangatlong paglabag; at ang pagbabawal sa sinuman na makapagmaneho ng motorsiklo kapag lumampas na ito sa tatlong beses na paglabag.
Umaasa ang kapulisan ganoon din ang LGU na lahat ay tatalima sa nabanggit na batas at sinisiguro nila na wala silang pipiliin na paparusahan basta nagkamali at lumabag.
Pinaaalalahanan din ng mga kapulisan ang mga may-ari na huwag pahintulutan ang kanilang mga menor de edad na anak na magmaneho kahit pa may suot itong helmet para na rin sa kanilang kaligtasan.
Aminado naman ang mga residenteng nagmamay-ari ng mga motorsiklo na tama lamang ang pagpapatupad at paghihigpit na ng ganitong klase ng batas upang masiguro na rin ang kanilang kaligtasan dahil batid nila na may kaunting piligro na nakaamba sa kanila sa tuwing nagmamaneho ng ganitong klase ng sasakyan lalo pa at hindi naman ganoon kalapad ang mga kalsada sa palibot ng isla.
Nangangako din ang mga ito na handa silang sumunod sa “no helmet, no drive” policy na ito na pinatutupad sa buong bayan Sibale.