Pormal ng umupo ngayong araw ang bagong officer in charge (OIC) ng Odiongan Municipal Police Station na si Police Senior Inspector Kenneth Gutierrez, alinsunod sa utos ni Provincial Director Leo Quevedo ng Romblon Police Provincial Office.
Pinalitan ni PSI Gutierrez si dating Police Senior Inspector Manuel Fernandez Jr. na nalipat sa Provincial Police Office sa Romblon, Romblon.
Si PSI Gutierrez ay nagsimula sa pagiging pulis nitong 2001 hanggang sa maging hepe siya ng isang istasyon sa Oriental Mindoro at malipat nitong nakaraang taon sa Corcuera, Romblon.
Sa Turn-over ceremony nitong Miyerkules ng hapon na ginanap sa Legislative Building sa Odiongan, hinamon ni Supt. Raquel Martinez si PSI Gutierrez na tapatan o lagpasan pa ang mga nagawa ni Fernandez sa Odiongan sa loob ng halos dalawang taon.
“I challenge you to maintain the peace and order here in Odiongan,” pahayag ni Sutp. Martinez.
Nangako naman si PSI Gutierrez na gagawin niya ang lahat ng makakaya niya para sa bayan at mga residente ng Odiongan lalo na pagdating sa peace and order ng bayan.
Malugod namang tinanggap nina Mayor Trina Firmalo-Fabic at Vice Mayor Mark Anthony Reyes kasama ang mga konsehal ng bayan si PSI Gutierrez.
Sinabi ni Mayor Trina Firmalo-Fabic na nasa likod lang umano ng Odiongan Municipal Police Station at ni PSI Kenneth Gutierrez ang buong local government unit ng Odiongan para umalalay at tumulong.
Samantala, pinasalamatan naman ni Mayor Fabic si Police Senior Inspector Manuel Fernandez Jr. sa mga nagawa nito para sa Odiongan sa kanyang pamumuno noong sa Odiongan Municipal Police Station.
Matatandaang ang Odiongan ang isa sa mga may pinakamaraming accomplishment pagdating sa paghuli sa mga drug personalities buong Romblon. Kinilala rin ang Odiongan Municipal Police Station ng Police Regional Office MIMAROPA nitong 2017 bilang best police station sa buong probinsya.