Nasa bayan ng Sibale ngayon ang mag-asawang Australyanong sina Mr. and Mrs. Andy Phelps at Carol Phelps para bumisita at tuloy kamustahin na rin ang mga residente at mga estudyante na direktang naapektuhan nang manalasa ang bagyong Nona noong Disyembre ng 2015. Dumating sila kahapon ng gabi sakay ng isang yate na kanilang pag-aari.
Ang mag-asawang Phelps ay isa lamang sa mga pamilyang patuloy na nag-paabot ng tulong mula nang hagupitin ng bagyong Nona ang nasabing bayan kung saan ay ilang kabahayan at mga silid aralan, maliban pa sa mga kabuhayan, ang lubhang nasira.
Malugod silang sinalubong ng banda at ng mga mag-aaral mula sa Concepcion Central Elementary School at Concepcion National High School, mga kawani ng paaralan, at mga guro sa pangunguna ng kani-kanilang principal na sina Ms. Monette Feudo at Ms. Cristina Fallarme.
Kasama rin sa mga sumalubong ay ang mga kawani ng local na pamahalaan sa pangunguna naman ni Hon. Mayor Medrito Fabreag, Jr.
Nagpamalas ng ilang mga palabas ang mga mag-aaral bilang pagpapakita ng kanilang pasasalamat para sa tulong na binibigay ng mag-asawa.
Mananatili ang mag-asawa sa isla hanggang bukas, araw ng Sabado, at inaasahang mamamasyal muna sa ibang tourist destination ng Romblon bago bumalik sa kanilang bansa.
Lubos na kasiyahan naman ang nararamdaman ng mga guro at kawani ng CES at CNHS dahil hindi nakakalimot ang mag-asawa at nagagawa pang bumisita kahit malayo ang pinanggagalingan ng mga ito.
Pasasalamat din ang pinarating ng tanggapan ni Mayor Medrito Fabreag, Jr. dahil sa mga tulong na ipinaaabot ng mag-asawa sa mga taga-Sibale.