Posibleng magtayo ng branch sa Cajidiocan, Romblon ang Development Bank of the Philippines (DBP) kapag nagkaroon na ng kasunduan ang DBP at ang Local Government ng Cajidiocan.
Ito ang sinabi sa isang Facebook post ni Sangguniang Bayan Member Marvin Greggy Ramos.
Sinabi ni Ramos na sa ngayon ay napagkasunduan na posibleng maglagay ang DBP ng automated teller machine (ATM) sa Cajidiocan kung sakaling pumasok ang Cajidiocan LGU sa isang payroll atm system.
Kung sakaling matuloy ang nasabing proyekto, sinabi ni Ramos na malaking tulong ito sa lahat ng residente ng Cajidiocan at ng kalapit na bayan dahil mababa ang singil sa bawat transaction sa automated teller machine ng DBP.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Development Bank of the Philippines (DBP) kaugnay rito ngunit sinabi ni DBP president at chief executive officer Cecilia C. Borromeo sa isang pahayag nitong nakaraang araw na mas papalawakin pa nila ngayong 2018 ang kanilang lending activities para sa social services na nakakasakop sa health care, education, housing, at community development.
Sinabi rin ni Borromeo na marami pang development work ang kailangan nilang gawin lalo na sa mga rehiyon.