Isang lalaki sa Barangay Tabobo-an, Odiongan, Romblon ang sugatan matapos matamaan sa pagwawala at pamamato ng isang magkapatid na kanya ring sariling pinsan.
Kinilala ni Police Senior Inspector Kenneth Gutierrez, OIC ng Odiongan Municipal Police Station, ang biktima na si Ronnie Gajetas Formento, 45-taong gulang; habang ang mga suspek ay kinilalang ang magkapatid na Jose, 45 at Jojo Gajisan Formento, 48-taong gulang, pawang mga residente ng nasabing barangay.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-10 ng gabi nitong Biyernes ng maghamon ng away sa mga kapitbahay ang magkapatid na Jose at Jojo hanggang sa mauwi sa pamamato ng bato ang kanilang pag-aamok.
Sa pamamato ng dalawa, tinamaan ang kanilan gpinsan na si Ronnie sa kanyang noo at nagtamo ng minor injury.
Agad na inaresto naman ng mga tauhan ng Barangay Tabobo-an ang dalawa at kalaunan ay isinuko sa Odiongan Municipal Police Station.
Hinihinalang nakainum ang magkapatid na Jose at Jojo bago ito maghamon ng away sa kanilang mga kapitbahay.