Isang pagsasanay tungkol sa pagkilala, pag-aani, at pagpo-proseso ng Kaong o sugar palm, isang prutas na bunga ng sugar palm tree, ang isinagawa ng Department of Science and Technology MIMAROPA (DOST-MIMAROPA) Provincial Science and Technology Center- Romblon (PSTC-Romblon) sa bayan ng Odiongan noong Disyembre 1-6, 2017.
Kilala bilang “Hidiok” o “Kabo-Negro” ang kaong sa Romblon. Ito ay isang prutas na madalas sangkap sa paggawa ng “fruit salad” at halo-halo, at maihahalintulad sa nata de coco maliban sa hugis nitong bilohaba at kulay na pula o berde.
Tatlong magsasaka na dalubhasa sa pagpo-proseso ng kaong mula sa Lucban, Quezon ang inimbitahan para magbahagi ng kaalaman sa ilang magsasaka, kawani ng barangay at Office of the Provincial Agriculturist, at ilang estudyante mula sa Romblon State University.
Ang unang araw ng pagsasanay ay ginugol sa pagkilala ng bunga na pwede nang anihin. Samantala, sa paghahanap naman ng mga kaong sa isla ng Tablas at pagluluto, pagpo-proseso, at pagiimbak ng mga ito iginugol ang mga sumunod na araw.
Tinuruan ang mga kabilang sa pagsasanay kung paano gumawa ng “sweetened kaong” para sa kalauna’y mapakinabangan nila ang mga puno ng kaong na hitik sa bunga sa kanilang lugar.
Sa pamamagitan ng pagsasanay, napagalaman na bagamat mabilis mamunga at mamulaklak ang puno ng kaong ay agaran din naman itong namamatay. Ngunit di gaya sa ibang puno, ang punong ito ay madaling patubuin sapagkat ito ay ligaw at hindi kailangan ng mga pataba o pagpapanatili.
Ayon din sa mga ekspertong magsasaka, ang isang puno ay maaring umani ng mahigit-kumulang na 50 kilo ng kaong sa halagang Php 350.00 bawat kilo. Ito ay tinatayang Php 15,000.00 kada puno.
Maliban sa pagbebenta ng bunga nito, ang mga magsasaka ay maari ring kumita sa pamamagitan ng paggawa ng walis tingting mula sa dahon nito at suka at pulot gamit ang bulaklak. Pinagkukunan din ng masarap na ubod ang mga bata na puno samantalang ang matatandang puno naman ay sinasabing magandang patubuan ng mga orchids.