Arestado sa isang anti-illegal drug buy-bust operation sa Odiongan, Romblon ang isang habal-habal (single) driver na hinihinalang tulak di umano ng iligal na droga sa bayan ng Looc at Odiongan.
Kinilala ang suspek na si Ariel Mesajon Bernardo, residente ng kalapit na bayan na Looc, Romblon.
Ayon kay Police Senior Inspector Kenneth Gutierrez, OIC ng Odiongan Municipal Police Station, ang suspek ay nabilhan ng kanilang operatiba ng isang sachet ng shabu sa halagang P1,000 sa labas ng isang bar na malapit sa isang sabungan nitong umaga ng Sabado.
Sa isang pahayag, sinabi ni PSI Gutierrez na kapag may transakyon umano ang suspek sa ibang bayan ay bumabiyahe siya patungong Odiongan magbenta ng shabu.
Sumuko na rin umano si Bernardo sa Oplan Tokhang noong nakaraang taon ngunit nag-possitive umano sa random drugtest na ginawa ng pulisya sa Looc, Romblon kaya nasa listahan siya ng drug watchlist ng bayan.
Itinanggi naman ni Bernardo ang paratang sakanya, ayon sakanya, hindi siya nagbebenta ng droga at itinanim lang umano sa kanya ang mga nakuhang ibedensya.
Iginiit naman ng mga operatiba na legitimate ang kanilang operasyon.
Samantala, sinabi naman ni PSI Gutierrez na sana maging aral ang pagkahuli kay Bernardo sa mga hindi parin nagbabago.
Handa umano nilang hulihin ang lahat ng babalik sa pagkakasangkot sa droga kahit na idineklara ng drug-cleared ang probinsya ng Romblon.
Ang nasabing operasyon ay joint efffort ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station, PDEA-Romblon, at Drug Enforcement Unit at Provincial Intelligence Branch ng Romblon Police Provincial Office.