Naaresto ng mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station nitong umaga ng Biyernes, January 26, ang apat na lalaki sa bayan ng Romblon, Romblon na wanted sa batas dahil sa kasong attempted muder.
Kinilala ang mga suspek na kinilalang sina Maximo Mendoza Menes, 53; Filipino Famina Montaña, 34; Randy Mens Mingo, 19; at Ariel Montro Fallara, 21; pawang residente ng bayan ng Romblon, Romblon.
Naaresto ang apat sa bisa ng isang warrant of arrest na nilabas ng Regional Trial Court Branch 81 noong June 22, 2017.
Ayon kay Police Senior Inspector Gemie Mallen ng Romblon Municipal Police Station, ang apat ang tinuturong suspek sa pananaksak noong February 2016 sa isang Eric Macaya sa bayan ng Romblon, Romblon.
Ang pag-aresto sa apat ay nagawa sa tulong ng Barangay Information Networks (BINs) sa lugar na nakatira ang mga suspek.
Nakakulong na ngayon ang apat sa Romblon Municipal Police Station at nakatakdang iharap sa Regional Trial Court Branch 81.
Maaring makalaya ang apat kapag nakapag-piyansa ng P120,000 kada isa.
Ang nasabing operasyon ay bahagi ng mas pinaigting na police operations ng Romblon Police Provincial Office sa pangunguna ni Provincial Director, Senior Superintendent Leo Quevedo.