Nananawagan ang tanggapan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – Romblon sa mga magtatapos o nagtapos na sa high school, partikular na sa mga nagnanais na kumuha ng kursong BS Fisheries, na bukas na ang kanilang tanggapan sa pagtanggap ng mga aplikante para sa BFAR Fisheries Scholarship Program.
Ang Fisheries Scholarship Program o FSP ay bukas sa mga kabataan 20 taong gulang pababa, nakapagtapos o magtatapos ng high school ngayong taon, kasama sa top 10 ng graduating class at interesadong kumuha ng kursong Bachelor of Science in Fisheries o Marine Biology simula sa school year 2018-2019.
Ayon kay Luisito Manes, Acting Provincial Fishery Officer ng BFAR Romblon, ang naturang scholarship program ay naglalayong makapaghanap ng ahensiya ng mga kabataang may potensyal na mamumuno sa pagpapalago ng fisheries and aquatic resources ng bansa.
Nilinaw din nito na dapat anak sila ng mga small-scale o small-time na mangingisda o yaong kumikita ng hindi lalampas ng P25,000 bawat taon. Kailangan ding miyembro ng asosasyon ng mga mangingisda ang kanilang mga magulang ng hindi bababa ng apat na taon. Patutunayan ito sa pamamagitan ng sertipikasyon mula sa pinuno ng organisasyon.
Kabilang sa mga matatanggap ng bawat scholar ng BFAR ang libreng matrikula at iba pang bayarin sa paaralan, buwanang allowance at iba pang suporta.
Ang mga interesado ay maaring magsumite ng filled-out FSP scholarship form sa BFAR Romblon Provincial Office na matatagpuan sa Bgy. Tabing Dagat, Odiongan, Romblon o maaaring magtungo sa mga Office of the Municipal Agriculturist sa kanilang bayan.
Balak ng BFAR na bigyan ng trabaho sa kanilang tanggapan ang mga scholar kapag natapos na nila ang pag-aaral.