Pito katao ang nailigtas ng otoridad matapos lumubog ang sinasakyan nilang bangka sa dagat na pagitan ng Romblon Island at Tablas Island nitong gabi ng Martes, January 23.
Kinilala ni PSInsp. Leidelyn Ambonan, spokeperson ng Romblon Provincial Police Office ang mga sakay ng bangka na sina Danny Manlolo, 42; John Paul Manlolo, 15; Luduvico Juanzo, 22; Michael Lacida, 27; Tirso Rojo, 27; Lyca Ada, 24; at Kimberly Beltran, 27.
Ayon kay Manlolo na kapitan ng sinasakyang bangka, bandang alas-9 ng gabi umano habang sila ay nasa dagat na pagitan ng Romblon Island at San Agustin, Romblon ay bigla umanong binayo ng malalakas na alon ang kanilang bangka kaya biglang tumaob ito.
Nakatalon naman ang lahat ng pasahero at agad na nakatawag kay Mayor Mariano Mateo ng Romblon, Romblon para humingi ng tulong.
Agad na nagpadala ng rescue ang Romblon Provincial Police Office, Coast Guard at Romblon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa lugar na pinaglubugan ng bangka at ligtas na narescue ang lahat ng sakay.
Dinala ng Romblon, Romblon ang mga survivors at idinaan sa Romblon District Hospital para sa tingnan ang kanilang kalagayan.