Dalawampu’t limang magsasaka sa bayan ng Romblon ang mga nagsipagtapos kamakailan sa isinagawang Farmers Field School (FFS) o Agri-Eskwela ng Department of Agriculture (DA) – Agricultural Training Institute (ATI) – Mimaropa.
Ang mga magsasakang ito ay mula sa Barangay ng Tambac, Romblon ay apat na buwang nag-aral ukol sa pagtatanim o pagpapalago ng gulay at pag-aalaga ng mga hayop gaya ng baboy at manok.
Ayon kay Raymund Juvian M. Moratin, officer-in-charge ng Office of the Municipal Agriculturist (OMAg) – Romblon, ang mga magsasakang nag-aral sa Agri-Eskwela ay ang mga naapektuhan ang sakahan noong panahon ng tagtuyot o El Niño ng nagdaang mga taon.
Ang nasabing programa ay bahagi ng adhikain ng DA– ATI Mimaropa na mabigyan ang mga magsasaka ng wastong kaalaman at karanasan tungo sa progresibong pangangalaga ng kanilang lupang taniman at paghahayupan hanggang sa produksyon ng mga ito.
Pinamahalaan ng LGU Romblon sa tulong ng mga tauhan ng Office of the Municipal Agriculturist ang pagsasagawa ng Farmers Field School o Agri-Eskwela sa nasabing bayan.
Ang 25 magsasaka ay ginawaran ng sertipiko ng pagtatapos bilang patunay na sila ay matagumpay na nakapagtapos sa naturang pag-aaral.
Kinilala rin ang mga natatanging magsasaka na nagpamalas ng kanilang angking galing at talino sa kursong tinapos ng mga ito.