Simula ngayong araw nagsasagawa ng isang linggong tigil biyahe ang mga crew at may-ari ng mga pampasaherong bangka sa bayan ng Sibale, Lalawigan ng Romblon.
Ito ay upang kondenahin at ipanawagan sa mga kinauukulan na patigilin na ang illegal na pamamasahero ng mga maliliit na bangka o ang tinatawag na tura-tura.
Ang tura-tura ay mga maliliit na bangkang de motor na madalas ay gamit ng mga residente para mangisda pero ngayon ay ginagamit na ng ilang nagmamay-ari upang magsakay ng mga pasahero kahit wala namang kaukulang papeles o permit.
Ito kasi umano ang dahilan kung kayat halos wala nang naisasakay na pasahero ang mga lehitimong mga pampasaherong bangka at wala nang kinikita ang mga crew at may-ari dahil naaagaw ng mga nasabing tura-tura. Isa rin ito sa dahilan kaya nalulugi na ang mga may-ari ng mga bangka.
Matagal na umano nilang inirereklamo sa lokal na pamahalaan at sa pamunuan ng Philippine Coast Guard ang tungkol dito pero tila raw nagbibingibingihan at nagbubulagbulagan lang ang mga ito dahil hanggang ngayon ay wala parin silang kongkretong aksyon para mapatigil ang ganitong kalakaran.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Mr. Argie Fonte, isa sa mga crew ng bangkang pampasahero, mabigat man daw sa kanilang saloobin dahil alam nilang marami ang maaapektuhan, kailangan daw nilang isagawa ang ganitong tigil biyahe upang ipaalam sa mga kinauukulan at sa LGU na sobra nang naapektuhan ang kanilang kabuhayan dahil sa patuloy na pamamayagpag ng mga nasabing illegal na tura-tura.
Hiling nila na ganap nang maipatigil ang pamamasahero ng mga tura-tura at hindi ningas cogon lang ang mga hakbang na gagawin para masolosyonan ang tungkol dito gaya ng mga nagdaang taon.
Dahil sa transport strike, walang masakyan simula ngayong araw hanggang sa susunod na linggo ang mga pasahero galing Sibale patungong Pinamalayan, Oriental Mindoro at pabalik.
Nagpaabot naman ng simpatiya ang ilang residente sa naturang tigil biyahe dahil batid umano nila ang matagal ng hinaing at pinagdadaanan ng mga crew at may-ari ng bangka.
Patuloy na kinukuha ng Romblon News Network ang panig ng LGU at ng Philippine Coast Guard hinggil sa mga isyung nabanggit, at kung ano ang kanilang gagawing hakbang para matulungan ang mga nagrereklamong crew at may-ari ng mga pampasaherong bangka.