Isinailalim na sa ‘State of Calamity’ ang walong munisipalidad sa Southern Palawan na sinalanta ng Bagyong Vinta nitong Kapaskuhan.
Sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDDRMO),inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan sa kanilang espesyal na sesyon ang isang resolusyon na nagdedeklara ng ‘state of calamity’ sa mga bayan ng Aborlan, Narra, Quezon, Rizal, Sofronio Española, Brooke’s Point, Bataraza at Balabac.
Ang Bayan ng Balabac ang naitalang may pinakamalaking pinsala na idinulot ang bagyong Vinta, partikular na sa islang Barangay ng Mangsee.
Sa opisyal na tala ng PDRRMO, umabot sa 199 kabahayan ang totally damaged, 495 pamilya o 2,353 indibidwal ang apektado sa naturang bayan. Labing isa naman ang naitalang namatay.
Ngunit ayon kay PDRRM Officer Cruzalde Ablaña, maaari pang tumaas ang bilang ng mga namatay kapag natapos na ang isinasagawang rescue and retrieval operation na isinasagawa ng Rescue 165 sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyo.
Ayon naman kay Palawan 1st District Board Member Leoncio N. Ola, nasa P35 milyon pa mula sa ‘calamity fund’ ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan ang maaaring gamitin na pang-ayuda sa mga munisipyo sa Southern Palawan. (Orlan C. Jabagat)