Arestado nitong umaga ng Biyernes sa isang anti-illegal drug drug buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang lalaking tulak umano ng droga sa Looc, Romblon.
Kinilala ng PDEA ang naaresto na si Feljun Gelig, 36-taong gulang, at residente ng Barangay Tuguis, Looc, Romblon.
Naaresto si Gelig sa kanyang Barangay na itinuturing ng Pulisya at PDEA na Drug-Free Barangay sa nabanggit na bayan.
Nakuha sa suspek ang dalawang sachet ng shabu na may street value na P2,000; isang cellphone, at isang P1,000 bill.
Ayon kay Barangay Captain Ramon Magcalayo ng Barangay Tuguis, idineklarang drug-free ang kanyang barangay noong nakaraang taon at wala pa umano ang suspek sa kanyang barangay noong panahong yun.
Binantayan rin umano nila ang suspek dahil palaging may mga hindi kilalang tao ang bumibisita sa kanyang bahay.
Si Gelig ay nagtatrabaho noon sa Boracay at umuwi lang ng Looc, Romblon para dito maghanap ng trabaho.
Itinanggi naman ni Gelig ang paratang at sinabing hindi umano sakanya ang nakuhang droga; matagal na rin umano siyang tumigil sa paggamit at huling gamit niya ay nasa Boracay pa umano siya.
Ang Romblon ay idineklara ng PDEA noong nakaraang buwan na isang drug-cleared province. Ang pagkahuli kay Gelig ay patunay na hindi ibig sabihin na drug-cleared ang isang probinsya ay wala nang papasok na tulak ng droga sa nasabing lugar.