Ang pasko ay isang simbolo ng wagas na pagmamahal na ibinigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang bugtong na anak na si Hesu Kristo. Ngayong taon ay ang aking ika-walong selebrasyon ng pasko sa aking higaan. Ano nga ba ang bago sa akin ngayong darating na kapaskohan?
May dapat pa ba akong ikatuwa ngayong pasko? May dapat ba akong asahan na malaking regalo o malaking pagbabago? Para sa akin ang bawat pasko na dumarating ay isa nang napakalaking milagro sa aking buhay. Ito ay isang napakagandang regalo na handog sa akin ng Poong Maykapal. Ang makasama ko ang aking pinakamamahal na anak, ang aking pamilya at makasalamuha ko ang aking mga kaibigan. Wala akong nararamdamang pait o galit man sa aking sitwasyon…ang napakatagal ko nang pagkakabilanggo sa aking higaan.
Tunay ngang bawat paggising natin sa bawat umaga ay isang biyaya. Dapat nating pahalagahan ang ating buhay sa bawat araw, bawat oras at sa lahat ng panahon. Ano man ang ating pinagdadaaanan sa buhay…mga mabibigat na problema o suliranin ay dapat natin itong kayanin at hindi na tayo ay dapat panghinaan. Sa panahon natin ngayon na mabilis ang pagbabago ng mga bagay dala ng mabilis ng pag-unlad sa teknolohiya at hatid ng makabagong siyensiya ay marami ding kaakibat na hamon sa bawat isa sa atin. Dala ng mga bagong tuklas na pagbabago sa ating lipunang ginagalawan ay may hatid din na pagbabago sa uri ng ating pamumuhay at pag-uugali. Ang ating mabuting ugali ng pakikipagkapwa ay natatabunan na rin ng masidhing pagnanasa sa mga makasanlibutang bagay. Mas maraming tao ang nadadala sa galit at matinding bugso ng damdamin at nakakalimutan na ang mabuting pakikitungo sa iba.
Ngayong pasko mas iparamdam natin ang pagmamahalan kasabay ng pagpapatawad sa mga nagkakasala sa atin. Ito ay hindi laging patungkol sa akin. Kahit na ang aking mundo ay umiikot lang sa apat na sulok ng aking kubo ay naimumulat ko na naman ang aking mga mata at nabubuksan ang aking damdamin sa mga nangyayari sa ating paligid. Ang aking pandinig ay nasasakop ang mga daing ng ibang tao sa mabilis na pagsuko sa mga hamon sa kanilang buhay. Mula sa aking puso na sana ang aking kwento ay magkaroon ng silbi sa lipunan. Ang patuloy na maging inspirasyon sa iba…ang makabahagi ng lakas na meron ako sa mga pinanghihinaan ng loob, ang maiparating ang kabutihan ng Diyos at higit sa lahat, na sa pamamagitan ko ay nabibigyang pukaw ang bawat puso na nilalamon na ng matinding hirap at pighati sa laban ng buhay. Ito ang aking misyon na kahit ako ay ganito lamang ay may marating ang aking sitwasyon at maghatid din ng isang leksyon. Dahil marami din akong pagkakamali sa aking buhay. Mga taong aking nasaktan noon at mga pangakong di ko natupad at nagbigay lamang ng perwisyo sa kanila. Para sa akin ang magandang pakikitunog sa ating kapwa ay napakahalaga. Ang pag-abot sa mga kamay ng bawat taong may matinding pangagailangan sa oras ng kagipitan. Ang magbahagi ng biyaya sa iba at taos pusong pagtulong sa walang-wala. Maraming paraan para maisagawa natin ang kabutihan sa ating kapwa. Hindi dahil ako ay isang nangangailangan din kundi dahil alam ko kung gaano kasarap sa pakiramdam ang mabahaginan ng pag-alalala at pagmamahal mula sa isang kapamilya at kaibigan. Ang mga simpleng paraan ng kabutihan na maaaring magbigay ng malaking kaligayan sa isang taong naambunan ng konting grasya. Ito ay isang uri ng pag-ibig. Pagmamahal sa ating kapwa na isang patunay ng kabutihan ng Diyos sa ating buhay. Patuloy po tayong kumapit sa pag-asa, magpatawad at magmahalan. Kung hindi mo pa nagagawa…simulan po natin ang lahat ngayong darating na pasko.