Amandla! Power to the People! Ito ang sigaw ng halos isang libong mga delegado mula sa iba’t ibang bansa na dumalo sa 4th BWI World Congress na ginanap nitong November 28 – December 1, 2017 sa Durban, South Africa. Ang mga delegado ay kumakatawan sa iba’t ibang labor at trade unions ng iba’t ibang sektor at mga organisasyon.
Kadalasan, kapag hindi nauunawaan ng iba ang ipinaglalaban ng mga ganitong pagkilos, ay kinukutya na lamang at binabansagan na mga pahirap sa bayan.
Ang katotohanan, napakalaki ang ambag ng mga trade unions at ng International Labor Organization sa reporma ng mga polisya ng mga kumpanya o ahensya, pribado man ito o pampubliko. Dahil sa mga pagkilos ng trade unions, naipaglalaban ang mga karapatan ng mga manggagawa para sa tamang pasahod, tamang araw ng pahinga, tamang mga benepisyo, tamang pangkaligtasan at seguridad sa trabaho, karapatan ng mga kabataan at mga kababaihan et iba pa.
Tunay na napakalaki ang impluwensya ng mga international trade and labor unions sa pagbabago ng pamantayan sa paggawa lalong-lalo na sa mga bansa na hindi pa totally open o reformed ang kanilang batas sa paggawa, katulad na lamang ng mga bansa sa gitnang silangan.
Ang BWI halimbawa, ay naging instrumental sa pagkakaroon ng reporma sa labor law ng Qatar. Ang good news pa, naging bukas naman ang Qatar sa mga pagbabago, dahil ayon nga sa Secretary General ng Supreme Committee for Delivery and Legacy (SC) na si H.E. Hassan Al Thawadi sa video message nito sa Congress, na katulad ng BWI, pareho ang layunin at commitment ng SC at ng Qatar government tungo sa pagrereporma sa mga batas sa paggawa at pagpapahalaga sa karapatan ng mga manggagawa.
Totoong may pwersa ang mga nagsasama-sama at nagkakaisang mamamayan – power to the people.
Sa usapin ng Small Town Lottery (STL) operation sa buong lalawigan halimbawa, kung ang mga mamamayan, iba’t ibang sektor at opisyal ng lokal na pamahaalan ay magkakaisa na ipapakita ang kanilang pagtutol sa nasabing sugal, bagamat wala sa poder ng lokal na pamahalaan ang pagpapatigil sa nasabing operasyon, ay maaari pa ring maimpluwensyahan ang nakakataas na kinauukulan upang paboran ang hinaing ng mga mamamayang tutol sa STL operation sa lalawigan ng Romblon at ipatigil ito.
Kaya’t huwag po tayong manahimik. Ipakita ang pwersa ng mamamayan… ipatigil ang STL operation sa buong lalawigan.
Related articles:
STL Operation sa lalawigan ng Romblon, Itigil!
Small Town Lottery ready to operate in Romblon Province
No need for STL agents to get local business permit — PCSO
Signature Campaign against STL Operation in Odiongan, launched
Church leaders convene to oppose STL Operation in Odiongan