Nagpahayag ng suporta ang mga lokal na pamahalaan sa Mimaropa, iba’t ibang ahensya, non-government organizations at iba pang stakeholders ng nutrisyon, sa Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) 2017-2022.
Ang aktuwal na paglalahad ng kanilang suporta ay naging bahagi ng programa sa isinagawang regional launching ng PPAN sa Manila Grand Opera Hotel sa Sta Cruz, Maynila kamakailan.
Ayon kay Keizher Marasigan ng National Economic and Development Authority (NEDA) – Mimaropa, makakatulong ang PPAN sa lokal na pamahalaan dahil magsisilbi itong gabay, sa kanilang pagpaplano at implementasyon ng mga programa at proyekto patungkol sa nutrisyon sa kanikanilang lugar. Ipinaliwanag din nito na naka angkla ang PPAN sa Mimaropa Regional Development Plan (RDP) 2017-2022 na pinangunahang balangkasin ng NEDA.
Dagdag pa ni Marasigan na nakasaad umano sa RDP ang mga posibleng kakaharaping problema sa nutrisyon sa rehiyon at ang mga istratehiyang maaring gamitin ukol dito.
“We at NEDA, we are committing our support to PPAN 2017-2022 by ensuring that the health and nutrition sectors are included in our development planning and policy formulation (Kami sa NEDA, ay nagpapahayag ng aming suporta sa PPAN 2017-2022 sa pamamagitan ng pagseseguro na ang sektor ng kalusugan at nutrisyon ay kabilang sa aming development planning at pagbuo ng mga polisiya)” pagtatapos ni Marasigan.
Ipinaliwanag naman ni Catalina Silang ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ang kanilang mga programa para sa mga mamamalakaya sa rehiyon ay isang patunay ng kanilang suporta sa PPAN.
Aniya, kabilang sa mga programang ito ang pagbibigay ng technical assistance sa paggawa ng ilang produkto mula sa yamang dagat. Ayon pa kay Silang, na sa programang nabanggit ay tinitiyak ng ahensya na may masustansiyang sangkap ang mga value added products, bilang tulong sa pagsagot sa problema ng malnutrisyon sa rehiyon. Ang ilan sa mga produktong ito ay ang seaweed crackers, seaweed fishballs, fish longanisa, fish tinapa at fish crackers na masusustansiya at pwedeng pamalit sa mga junk foods.
“My presence is enough commitment (Ang pagdalo ko dito ay patunay sa aking pagsuporta)” pahayag naman ni Mayor Leila Arboleda ng Looc, Romblon. Ayon sa punong bayan, sinikap niyang makadalo sa paglulunsad ng PPAN upang matiyak na ang ang kanilang municipal plan ay naaayon sa PPAN.
Saad pa ni Arboleda, na nutrisyon ang kanyang flagship program para sa taong ito at malaki ang kanyang pasasalamat sa National Nutrition Council (NNC) at Zuellig Family Foundation sa tulong na ibinibigay ng mga ito sa kanilang munispyo. Sineguro ni Arboleda na ang mga programang nakapaloob sa PPAN ay makakarating hanggang sa barangay ng kanilang munisipyo.
Ang ilan pa sa nagbigay ng pahayag ng suporta sa PPAN 2017-2022 ay ang Commission on Population (POPCOM), Zuellig Family Foundation, Mayor Bing Fajardo ng Magsaysay, Occidental Mindoro, Mayor Elsie Visca ng Sta Fe, Romblon, Barangay Nutrition Scholars (BNS) Mimaropa, District/City Nutrition Program Coordinators Association of the Philippines (D/CNPCs) at ang PROMO (Palawan, Romblon, Occidental Mindoro, Marinduque, Oriental Mindoro) Nutrition Communicators, na tumatayong media arm ng NNC-Mimaropa. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)