Nakauwi na sa Rizal Province ang mga delegado ng University of Rizal System (URS) na naaksidente nitong Sabado ng gabi sa Magsaysay, Occidental Mindoro.
Ayon sa isa sa mga atleta ng URS na nakausap ng Romblon News Network, umalis sila patungong Rizal Province galing San Jose, Occidental Mindoro pasado alas-2 ng madaling araw kanina.
Pagdating nila ng University of Rizal System (URS) ay dinaan sila sa stress debriefing at muling pinitingnan sa isang hospital bago pauwiin.
Naiwan naman sa San Jose District Hospitl ang isa sa mga estudyante na si Maricel Maniaol, 39; habang ang nurse naman nilang kasama na si Mary Ann Castro ay naka-confined ngayon sa Batangas City Hospital kasama ang conductor ng bus na kanilang sinakyan na pagmamay-ari ng Charm Aloha Travel.
Dumating na rin ngayong tanghali ang labi ni Prof. Jonathan Penada sa URS Binangonan at sinalubong ito ng mga nagluluksa na mga estudyante at mga guro. Nakatakdang iburol sa Tanay ang labi ni Penada habang ang labi ni Prof. Elmer Dacillo ay ibuburol sa Trece Martires.
Samantala, patuloy na pinaghahanap ng mga kapulisan sa Mindoro Province ang driver ng bus na nawala matapos ang aksidente. Kinilala itong si Julius Pascual Beleno, residente ng Barangay Masaya Centro (Poblacion), San Agustin, Isabela.